Kabanata VI: Mga Palito Ng Posporo

Kabanata VI: Mga Palito Ng Posporo

“Gising! Gumising ka!”

Napaigtad si Mario sa kama sa sakit habang madaliang pinaghahahatak ang iba’t ibang tubong nakakabit sa kanya. Nanlalabo pa ang paningin, sinubukan niyang kilalanin ang lugar. Naroon pa rin sa puting kisame nakasalpak ang apat na aluminum na kaha na nagsilbi na ring bahay ng apat na mga pahabang bumbilya. Sa sobrang tagal niya sa kwartong ito, hindi na niya mabilang kung ilang ulit nang napundi at napalitan ang mga ito. Minsan nga’y nakikitungtong pa sa kanyang kama ang mga lalakeng nagpapalit ng mga bumbilyang napundi na. At ilang beses na rin niyang hiniling na sana’y napundi na rin siya kasama ng mga ito upang makawala na siya sa kwartong iyon.

Tahimik niyang tinitigan ang nars na nagmamadaling maghahatak pa rin ng iba’t ibang tubo. Nasa kaliwang kamay na siya, malaya na ang kanyang kanang kamay. Mas malinaw na ang paningin niya ngayon. Unang beses pa lamang niyang makita ang kanyang kanang braso ng wala ang mga tubo. Iba’t ibang kulay ang mga pasa. Marami at mahapdi. Ngunit nakakapagtakang masarap rin sa pakiramdam. Tumutunog-tunog pa ang mga buto nito habang inuunat niya.

Nagulat siya nang pagtingin niya sa kaliwang kamay niya’y malaya na rin ito. At tulad ng kanan, marami rin itong pasa, bugbog, at marka ng mga karayom na pinagtuturok sa kanya. Ahh..ang mga karayom. Naging kaibigan na niya ang mga ito. Hindi niya alam kung sino dito ang taksil o kaibigan, ngunit isa sa mga ito ay magdadala ng tulog. Yun ang sigurado niya. Tulog na walang panaginip, at kung walang panaginip, wala ring bangungot. Ang ganitong klaseng tulog lamang ang nag-iisa niyang natitirang paraiso sa impyernong ito.

“Hoy, naririnig mo ba ako? Mario?”

Tiningnan niyang muli ang babae. Ngayon lamang niya napansing nakaputi rin ito. Tulad ng kwarto niyang puro puti. Tulad ng mga kumot, kobre kama, at mga unan. Tulad ng mga damit na pinapasuot sa kanya araw-araw. Tulad ng mga gwantes at mga bulak at mga gasa at ng iba’t ibang mga parapernalya na ginagamit sa kanya. Tulad ng mga uniporme ng mga doktor at nars na nageeksperimento sa kanyang katawan araw-araw.

Ang babaeng ito ay nars din. Papatayin na kaya nila ako? Tapos na kaya sila sa akin? Isa lang ba itong patibong?Palusot upang barilin ako?

Binabasa ng babae ang kanyang mga tala.

“Mario ang pangalan mo, tama? Makinig ka sa’king mabuti Mario.”

Hinawakan ng babae ng mahigpit ang kanyang mga pisngi. Mainit ang mga palad nito, hindi kasing lamig ng mga kamay ng ibang nars. Maamo ang mga mata. Nakita niyang tila nangangasul ang mga mata nito. Kung sabagay, hindi na nakakapagtaka. Malamang ay artipisyal din ito. Asul ang kanyang mga mata at may maliit na nunal sa gilid ng kanang kilay.

Yun lamang ang natatandaan niya sa mukha ng nars pagkat natatakpan ang mukha nito ng gamit nitong surgical mask.

“Mario, makinig ka. Wala na tayong panahon. Ilang minuto lamang ang meron tayo at pipilitin ko ring iligtas ang ibang pasyente. Alam kong mahirap itong ipapagawa ko sa’yo pero kailangan mo itong gawin mag-isa. Sa labas nitong kwarto mo ay may mahabang pasilyo. Sa dulo ng pasilyo ay makikita mo ang isang asul na pinto. Buksan mo yun, at may mahahanap kang hagdan. Sa pinakaibaba ay may mga bakal na bakod pero sa kanto sa bandang kanan ay may hukay. Pagkasyahin mo na ang sarili mo dun. Tapos tumakbo ka, tumakbo ka ng mabilis papalayo. Naiintindihan mo ba Mario?”

Kumurap lamang siya siguro nun. Alam kaya ng nars na ito na halos dalawang dekada na siyang hindi nakakapaglakad? O kahit makatayo man lang?

At naglaho na ang nars.

Sinubukan niyang umigtad. Gaano man siya kahina, hindi niya hahayaang masayang ang pagkakataong ito. Pagkakataong lumaya. Makatakas. Masinagang muli ng araw. Maamoy ang sariwang hangin – o kung ano mang hangin ang natitira pa sa mundo. Sa labas. Tama. Halos dalawang dekada na rin siyang hindi nakakalabas. Nalaglag siya sa kama. Una ang likod. Masakit at masarap. Tumawa siya. Matagal na niyang hindi nagugustuhan ang masaktan. Pinilit niyang dumapa, nagawa niya. Mukha siguro siyang tanga. Gumagapang sa sahig, hatak-hatak ang mga tulog niyang paa papalabas ng pinto, ngunit malaki ang ngiti. Matagal na rin nga pala siyang hindi ngumingiti.

Sa isip niya, nakikita niya ang isang uod na may isang malaking ngiti, gumagapang papunta sa isang asul na bulaklak. Sana’y hindi ito maapakan. Sana’y hindi na lamang biglang pitasin ang asul na bulaklak. Narito na siya sa asul na pinto. Putang ina. Nakasara.

Nagulat siya sa sarili niyang lakas. Tinulak niya ang kanyang katawan pataas gamit ang isang kamay habang ang kabila ay inaabot ang bakal na busol ng pinto. Putang ina. Paano kung nakakandado ‘to?

Nahatak niya pababa ang hawakan at umawit ang pinto sa kanyang pagbukas. Ito na. Ang mga hagdan. Gumapang siya papalapit sa mga bakal na rehas at hinila ang sarili niya patayo. Muli, nagulat siya. Noon lamang niyang naramdamang malakas pala siya. Nanumbalik ang kanyang ngiti. Humakbang siya. Nadulas. Patay.

Dire-diretso siyang nahulog pababa. Tumatama ng paulit-ulit ang pwet, likod, ulo, mga siko, lahat ata ay humampas na sa mga walang awang sementong hagdan, na tila walang hanggan, hanggang naubos ang mga ito at humampas ang pwet niya sa isa nanamang asul na pinto. Nakakatawa. Mula sa uod, ngayon nama’y nakahigang palaka.

Hindi nakakatawa. Nakahigang palakang baldado pala.

Ilang minuto rin siyang hindi makagalaw at hindi makahinga. Pero nararamdaman niya sa pwet niya ang malamig na hangin ng gabi. Oo nga pala, wala akong suot na kahit anong pang-ilalim!

Sa tulong ng mga bakal na rehas ng hagdan, tumayo siya at naabot upang buksan ang pinto. May mga anghel nga sigurong umaawit sa paligid dahil narinig niya ang mga ito habang dahan-dahang bumubukas ang pinto.

Dahan-dahan siyang humakbang. Dalawang hakbang. Ito na ang pinakamahaba niyang nailakad sa loob ng halos dalawampung taon. Naramdaman niya ang malamig na lupa sa pagitan ng kanyang mga daliri sa paa. Napatid siya. Napaluhod, ngunit ayos lang. Mabait ang lupa, hindi mapanakit. Nakita niya ang tumpok ng lupa sa may kanto ng mga bakal na bakod. Bumilis ang gapang niya. Itinukod niya ang tuhod niya at nakatayong tumakbo. Pakiramdam niya’y katulad na siya noong maitim na lalakeng nanalo sa olympics na napanood niya sa telebisyon noong bata pa siya. Inunat niya ang kanyang kanang binti, at itinulak ang lupa sa likod. Malaya na ako! Malaya na ako! AYYY!

At napatid siyang muli, una ang mukha sa tumpok ng lupa.

Wala siyang pakialam. May mga lupa lupa pa siguro siyang nakain dahil nakanganga siyang nakangiti nung napatid siya, ngunit wala siyang pakialam. Pinagkasya niya ang sarili niya sa maliit na butas na malamang ay hinukay nung nars, at nagkandasabit-sabit at nagkandasugat-sugat ang likod niya gawa ng mga nakausling mga patusok na alambre sa ilalim ng bakod pero wala siyang pakialam.

Sa liwanag ng buwan nakita niya ang punong sinasabi ng nars. Sa likod niya ay umalulong ang sirena, tanda na may nakaalam nang may nakatakas sa pasilidad. Narinig niyang may humahabol sa kanya, kaya binilisan niya ang takbo. At nang may humawak sa balikat niya, buong lakas niyang itinulak ito papalayo, sabay upo sa lupa, nakapikit, tinatakpan ang kanyang ulo, naghihintay ng mga putok ng baril. Hindi ito dumating. Pagmulat niya ng mata, nanginginig na tumatayo ang nars. Humampas ata ang likod nito sa puno.

“Alam mo para sa isang taong nakaratay ng matagal, ang bilis mo palang tumakbo, at ang lakas mo pala”.

Hindi siya nakaimik. Tinitigan lamang niya ang babae. Nakatakip pa rin ang mukha nito.

“Mario, wala na tayong panahon. Sa likod nitong puno ay mga damit. Marami yan, inimbak namin para sa mga pagkakataong tulad nito. Mamili ka na lang. At ito nga pala…”

Hinubad ng babae  ang suot niyang kwintas. Tila isang nangingintab na patak ng luha ang nakakabit dito.

“Pasensya ka na, sa pagmamadali ko’y nawala ko ata ang pitaka kong may lamang kaunting pera. Sa susunod nga sasabihan ko silang lagyan rin ng kaunting pera ang mga bulsa ng mga damit dito!”

Kinuha ng babae ang kamay niya at inilagay sa palad niya ang kwintas.

“Pero sapat na siguro ito. Diskartehan mo na lang. Ibenta mo ito sa siyudad. Nakikita mo ba iyong mga nagliliwanag na mga ilaw na iyon? Norzagaray, Bulacan yun. Maghanap ka ng alahero dun at ibenta mo itong kwintas ko. Mga ilang libo rin ang pwede mong makuha dito. Sapat na para makapunta kang Atimonan, Quezon. Doon may maliit na barberya, malapit sa paanan ng tinatawag nilang “Bitukang Manok”. Walang ibang barberya doon at sikat yun doon sa Atimonan kaya hindi ka mahihirapang hanapin. Makinig ka. Nakikinig ka ba?”

Malamang ay nakangiti siya o napapatulala siya, ngunit ang nagawa na lamang niya ay tumango.

“Sige, mabuti. Isang beses ko lang itong sasabihin at alam kong masyadong marami ang mga impormasyong sinasabi ko sa’yo ngayon, pero wala tayong magagawa. Kailangan na nating magmadali. Maya-maya lang ay makikita na nila yung hukay ko. Sa barberyang iyon ay nandon ang kaibigan kong si Dalisay. Pumila ka para magpagupit, at pag ikaw na, sabihin mo ang mga katagang ito: “Walang tinatalikuran si Apolaki”. Nakakapagsalita ka naman diba? Ulitin mo nga yung mga sinabi ko.”

Tila may sariling isip na bumuka ang kanyang mga bibig. “Bihis, ibenta ‘to, Norzagaray, Atimonan, barberya, Dalisay, walang tinatalikuran si Apolaki”.

“Ayan, mainam. O siya kapatid, hanggang sa susunod nating pagkikita. Sayang, iba na ang takbo ng utak ng ibang mga pasyente. Hindi na sila maililigtas. Sayang. May kasama ka sana.”

“Ikaw?”

Ngumiti ang babae sa tanong niya. Hinawakan niya ng mahigpit ang braso nito.

“May mga kailangan pa akong gawin. Pagpalain ka ng Pinagmulan”.

Hinalikan siya nito, at sa dilim ng gabi, nawala na ang nars.

“Sandali! Wag mo’kong iwan mag-isa! Sandali!”

 

“Mario, Mario, gumising ka!”

Pagdilat niya’y nakita niya ang nag-aalalang mukha ni Dalisay na nakaupo sa gilid ng kanyang kama. “Binabangungot ka nanaman? Yung nars nanaman ba?”

“Oo.” Hinihingal na umupo si Mario. Kinakapa sa dibdib ang kwintas na binigay sa kanya ng nars.

“Oo nga pala, paano ka nakarating dito sa Atimonan ng hindi binebenta yang kwintas na yan.”

“Nilakad ko.”

“Nilakad mo?!” Nanlaki ang mga mata ni Dalisay, hindi niya malaman kung sa pagkagulat o sa hindi paniniwala. “Mag-agahan na nga tayo.”

Ilang araw na rin siyang naninirahan dito sa bahay ni Dalisay. At kahit mabait at maganda ang babae, hindi pa rin niya mawaksi sa isip niya ang mga asul na mata ng nars. Hanggang ngayon ay wala pa rin siyang balita tungkol dito. Hanggang ngayon ay wala pa rin siyang ideya sa mundong pinapasok niya. Ngunit kung ito lamang ang paraan upang makita siyang muli, ay wala siyang pakialam maski gaano pa kahirap ang kanyang pagdaanan. Nabuhay siya ng dahil sa nars na yon, at ngayon ay nabubuhay siya para dito.

Tumayo siya at naglakad papuntang hapagkainan. Ngayon at normal na lamang sa kanya ang paglalakad. “Wala ka pa rin bang balita tungkol sa kanya?”

“Yung nars nanaman ba? Wala nga, hindi ko nga siya kilala. Bakit ba napakaimportante sa’yong mahanap yung babaeng yun?”

“Importante siya sakin. Tulad nga ng sabi ko sa’yo, yung nars na yun ang nagligtas sa’kin mula dun sa impyernong hospital na pinanggalingan ko. Kung saan ang mga kakaibang artipisyal ay pinageeksperimentuhan. At kung saan ang mga buhay namin ay tila mga palito ng mga posporo, isa-isang sinisindihan at isa-isang nauupos.”

Kabanata V: Araw At Gabi

Kabanata V: Araw At Gabi

Tinanggal na ni Sinag ang kanyang maskarang itim. Napakainit talaga nito suotin, lalo na kapag nasa ilalim ng kanyang helmet, ngunit kailangan niya talaga itong tiisin, lalo na kung gusto niyang makasiguradong wala sa kanyang makakakilala at hindi mababahiran ng dugo ang kanyang mukha.

 

“Importanteng kapag may gagawin ka na may kinalaman sa espada nating si Tala, tatandaan mo anak na minsan may mga pagkakataon talagang hindi mo maiiwasan masaktan at makapanakit ng iba, at kapag nangyari iyon, hindi mo rin maiiwasan na mabahiran ka ng dugo.” Halos naririnig pa niya ang kanyang ama habang nakaluhod ito sa kanyang likuran, ang mukha nito nakadikit sa kanyang kaliwang pisngi, at ang mga matitikas nitong bisig nakabalot sa kanyang mga balikat at braso habang tinuturuan siya nito kung paano ang tamang paraan ng paghawak ng espada.

“Ang iyong mukha, yan ang pangunahing tagapagdala ng iyong pagkakakilanlan, kaya sagrado yan. Huwag mong hahayaan na madungisan yan ng kahit anong marumi, lalo na ng maruming dugo.” Inayos ni Silab ang kahoy na espadang hawak niya, sinisiguradong walang sosobrang hawakan sa dulo.

“Maruming dugo tatay?”

“Oo anak. Naaalala mo pa ba yung sinabi ko sa’yo noong isang araw? Huwag mong gagamitin ng walang pagmamahal ang espada natin. Kapag ginamit mo ito ng may pagmamahal, maski pa maging dahilan ito ng pagdugo ng ibang tao ay magiging malinis ang dugo nila. Kaya lang, kapag ginamit mo naman ito ng walang pagmamahal, maski pa sarili mong dugo ang bumahid diyan sa mukha mo, halimbawa nahiwa ka ng kalaban sa pisngi, eh magiging maruming dugo din yan.” Tumayo na ngayon si Silab at humarap sa kanya. Hawak-hawak pa rin niya noon ang espada habang nakatingin sa kanyang ama, na mula sa paningin ng isang bata’y napakatangkad. Nakapamewang ito. Haay, idol talaga kita tatay.

“Naiintindihan mo ba anak?” tanong nito.

 

“Hindi po.” Kaya nga ngayon palagi ko itong sinusuot kapag may misyon ako para sigurado.

Kulay itim at ginantsilyo, naipagawa niya ito sa isang babaeng nakilala niya sa isang tiangge. Nagbebenta noon ang babae ng mga sariling gawa nito, at napakiusap pa nga niya dito kung maari nitong ikabit sa bonnet niya ang frame ng salamin niya. “Para hindi na mahuhulog kapag suot ko yan habang nagmomotor, kasi nasa ilalim niyang parang ski mask yung mga tenga ko diba?” – rason niya nang tila magtaka ang babae sa pinapagawa niya rito. Mabuti na lamang at hindi na ito umimik, at sinunod na lamang siya.

Ang mga salamin naman niyang mukhang visor ay sa ibang pagkakataon naman niya nabili. Napapalit-palitan ang mga lente nito, kaya tinanggal niya ang mga dating nakakabit, ihinubog sa mga lente nito ang bakal na pantabing ng kanyang lumang fencing mask, pinitpit gamit ng martilyo ang ibang parte upang maging kasukat nito ang mga dating lente, at magkasya habang natatanggal-tanggal pa rin kahit kailan niya gusto. Sayang. Kung sana lang may mapagpapakitaan ako nitong ginawa ko.

“Malapit na.” Tila may narinig siyang matandang lalake na bumulong sa isip niya. Napahigpit ang hawak niya sa kakatanggal lamang niyang maskara at lumingon-lingon. Matagal rin niyang pinag-aralan ang oras ng pagpasok ni Raul Gonzales, ang may-ari ng bahay. At nang masigurado nga niyang mula alas-dos ng hapon hanggang alas-onse ng gabi ang pasok nito sa opisina, matapos ng limang linggo ng masusing pagmamatiyag, ay saka lamang siya nagtangkang pasukin ang bahay nito. Pang-apat na balik na niya ngayon, at kahit kailan ay hindi pa siya naaabutan. Ngunit palaging mayroong unang beses para sa lahat. Tiningnan niya ang suot niyang relo. Alas-singko pa lamang ng hapon. Kinakabahan lang ata siguro ako. Relaks lang. Hoo..hingang malalim, Sinag. Huwag nerbyoso. Gumaang muli ang kapit niya sa hawak niyang maskara at mabilis itong ipinasok sa kanyang bulsa.

Sa tagal ko na kasing ginagawa ito, ngayon pa lang talaga ako nagkaroon ng pangangailangang pumasok sa isang bahay.  Kadalasan eh lahat naman ng kailangan kong impormasyon ay nasa ID na pero dahil bago pa lang siya at pansamantala pa rin lang ang ID eh kulang-kulang pa rin ang nakalagay. Nakakainis.

Ang totoo’y nasa ID na talaga ang natatanging kailangan niya, ang araw ng kapanganakan nito, ngunit hindi lang talaga siya makapaniwalang apat na pu’t isang taong gulang pa lang ang lalaki. Mukha talaga siyang mas matanda. Mukha siyang malapit nang mag-sisenta.

 

Sa una niyang pagdalaw sa bahay nito’y sa kwarto siya unang nagpunta upang maghanap ng mga papeles, iba pang mga dokumentong magpapatunay na totoo nga ang taon ng kapanganakan ng lalaki ayon sa nakalagay sa ID nito, ngunit wala siyang nakita. Halos walang laman ang kwarto liban na lamang sa isang makapal na kutson sa sahig, nakadikit sa isang sulok ng kwarto, at isang malaking backpack na nasa kabilang sulok naman. Halos wala ring laman ang backpack bukod sa iilang damit at mga litrato. Litrato ng isang matandang lalaking nakangiti ngunit kulang ng isang ngipin. Isang lumang litrato ng isang pamilya, sepia pa ang kulay. Malamang siya yung bata sa gitna, kamukha niya eh. At dalawang magkaibang litrato ng dalawang sanggol. Malamang apo na niya itong isa, mas bago yung picture eh. Napangiti si Sinag. Pareho kami ng kumot nitong bata sa picture. Nasaan na kaya yung kumot kong yun?

Nang wala siyang nakitang kapaki-pakinabang mula sa backpack ay hinalughog rin niya ang kama nito, ngunit wala rin siyang napala. Kutson lang talaga ito na may nakabalot na makapal na kumot bilang kobre kama. May isang kumot pa sa gilid. Wala itong unan.

Pangalawang bisita niya ay ang ibang kwarto naman ang kanyang tiningnan. Sinaglit niyang silipin ang banyo. Malinis, ngunit amoy usok. Sunod naman ay ang sala na ang laman lang ay isang mahabang upuan at lamesitang parehong  yari sa kawayan, at isang kahoy na lamesang malamang ay ginawa sana para patungan ng telebisyon, ngunit ang nakalagay ay patung-patong na libro. Umupo siya sa kawayang upuan, tinitigan ang mga libro. Napakarami, ngunit sa ibang araw ko na iisa-isahin. Sinilip rin niya ang pangalawang kwarto, maliit lamang at madilim. May isang maliit na lamesa dito at sa tapat ng lamesa’y isang malapad na banig. Namangha si Sinag sa nakita at hindi niya napigilang magtanggal muna ng sapatos bago pumasok. Kung sino ka man, nakuha mo ang respeto ko Raul Gonzales.

Sa ibabaw ng lamesa’y isang altar na may nakatayong iba’t ibang imahe – ang iba dito’y nakikilala niya. Si Kristo. Si Buddha. Ang Birheng Maria. Si Shiva. Ngunit ang iba nama’y hindi na niya kilala. Hinawakan niya upang tingnan ang isang itim na bato na may pilak na pedestal na nasa ibabaw rin ng altar. Hmm..mukhang hawak siya ng isang kamay ng dragon. Okay ah. Ibinalik na niya ito at nakitang may sindihan ng insenso at isang kahon ng posporo malapit dito. Tiningnan niya ang kanyang relo. Alas-siyete. Siguro naman ubos na ang insensong ‘to pagdating niya. Sinindihan niya ang insenso at ibinulsa na lamang ang palito ng posporo nang wala siyang nakitang basurahan sa loob ng kwarto. Nakayapak siyang nagpunta sa banig at lumuhod. Ang sabi niyo ‘Tay, irespeto ang lahat ng paniniwala. Tinitigan niya ang altar at bumulong. “Diyos ng Pakikidigma, sana ipakita niyo na sa’kin ang landas na pilit itinuturo sana ng aking ama sa akin noong buhay pa siya, ngunit hindi ko talaga natutunan. Nararamdaman ko pong malaki ang posibilidad na gagamitin niyo si Raul Gonzales bilang daan.”

Pangatlong bisita niya’y ang huling kwarto na ang tiningnan niya, ang kusina. May isang lamesa dito. Sa gilid ng lamesa’y ilang de lata at isang tray na may lamang ilang plato, tasa, at kubyertos. Sa gilid ng lamesa’y isang ref, na halos wala ring laman liban na lamang sa dalawang pitsel ng tubig, ilang bote ng beer, ilang uri ng keso, at isang balot ng bacon sa freezer. Sa ibabaw ng ref ay dalawang garapon, isang may markang “tsaa”, at isang may markang “juts”. Ano bang klaseng tao ka Raul? Ngunit sa gitna ng halo-halong emosyon ng gigil, pagtataka, at pagkamangha ay natawa siya. May buo-buo pa sa loob itong garapon ng juts. Grabe. Naglakad siya palabas ng kusina, sinilip muli ang kwartong may altar, bumalik sa sala at tumayo sa harap ng lamesang may iba’t ibang libro. “Pagbalik ko, magtutuos tayo”, bulong ni Sinag. Kalahati para sa mga libro, at kalahati para kay Raul Gonzales.

 

At ito na nga ang ikaapat niyang pagbalik. Hingang malalim ulit. Huwag kang kabahan. Hay, buti na lang talaga taga-Cainta ka lang Raul. Malapit lang. Madaling balik-balikan. Kinuha ni Sinag ang pinakaunang libro mula sa kumpol ng mga librong magkakapatong sa harap niya. Tila wala naman itong kahit anong organisasyon pero naging maingat pa rin siya, sinisiguradong kung paano ang pagkakaayos at pagkakapatong-patong ng mga ito ay sa ganong paraan rin niya ito ibabalik. Musashi. Binasa niya ang titulo ng unang libro. Mabilis lamang niyang tiningnan ang mga pahina nang makitang may nakasingit palang papel sa gitna. Uy, ito yung lalakeng walang ngipin. Dito may ngipin na siya, ginto pa. Ayos ah. Nangiti si Sinag. Bawat librong mahawakan niya, tila gusto niyang iuwi para basahin. Mga Pilosopiya ni Mao Tse Tung. Koleksyon ng mga Isinulat ni George Orwell. Necronomicon. Practicing the Occult: Meditation and Focus. Taming The Wild River Goddess: The Re-Enchantment of Nature. Makalipas ng ilang oras ng paghahanap sa mga libro, kasama na ang paminsan-minsa’y pagbabasa ay wala pa rin siyang nahanap. Hawak-hawak na niya ang huling libro. The Way of The Sword, The Way of The Dragon, nang bigla na lamang may nagsalita sa likod niya.

“Dalawang tanong bata.”

Lumingon si Sinag at nakitang may matandang lalaki nang nakaupo sa mahabang upuan. Wala sa sarili niyang hinawakan ang strap sa dibdib niya, tila pinapaalalahanan ang sariling nakakabit pa sa kanya ang kanyang espada. Putang ina. Ni hindi ko siya namalayang pumasok sa pinto, paano ba niya ginawa yun? Ni wala akong narinig.

Ni hindi siya tinitingnan ng matanda. Mukha nga itong nakikipag-usap sa hangin habang nagsisindi ng kanyang pipa na sa hinala ni Sinag ay juts ang laman. Humithit ito ng isang beses. Ang mahabang hugot ng hininga nito ay tila maririnig na hanggang kabilang bahay sa katahimikan nilang dalawa, at kada segundo ng pagpigil ng matanda sa kanyang hininga ay tila oras naman ang haba para kay Sinag na hindi pa rin gumagalaw mula sa kinatatayuan niya, habang nagpipigil rin ng kanyang paghinga.

“Bakit mo ba ako laging sinusundan, at bakit ba lagi ka na lang dumadalaw ng wala man lang pasabi?” Tumayo ang matanda at dahan-dahang naglakad papuntang kusina. Humila ito ng upuan at naupong nakatalikod sa pinto.

Patakbong lumapit si Sinag kay Raul, balak sanang ipitin ang leeg ng nakatalikod at nakaupong matandang sabog. Laking gulat na lamang niya nang siya ang ibato nito paharap matapos ng tinangka niyang gawin. Humampas ang likod niya sa lamesa at napaigtad siya sa tarak ng mga bubog ng dati sigurong tasa ng tsaa – hinuha niya mula sa bagong kulong tubig na pumaso rin sa likod niya.

“Trespasser ka na nga, bastos ka pa. Ni hindi mo man lang sinagot yung mga tanong ko at ngayon, wala na akong lamesa, binasag mo pa ang paborito kong tasa! Buti na lang at naiiwas ko itong marmol kong ashtray. Alam mo bang galing pa’to ng Romblon?”

Malabo pa ang paningin, tiningala niya ang lalaking kagat-kagat ang pipa niya habang hawak-hawak sa magkabilang kamay ang isang libro at ang naturang ashtray. Tatangkain pa sana niyang tumayo nang bigla na lamang siyang nakatikim ng isang solid na sipa sa panga at tuluyang nawalan ng malay.

 

“’Tay”, bulong ni Sinag.

Yakap-yakap niya ang ulo nito habang unti-unti silang napapaligiran ng lawa ng dugo galing sa isang tama ng baril sa dibdib nito. Hinagkan ni Sinag ang malagkit na t-shirt ng kanyang ama, na tila pilit ikinukulong ang kaluluwa nitong kumakawala na dito. Habang nakasubsob ang kanyang mukha sa dibdib ng ama ay narinig niya ang unti-unting pagbagal at kinalauna’y pagtigil ng hininga nito. Ang kanyang huling alaala’y ang kakaibang amoy nito – tila amoy ng mababangong uri ng dahong sinisigaan.

 

Pagmulat ng kanyang mga mata ay nakabalik na siya sa bahay ni Raul Gonzales. Pinilit niyang gumalaw ngunit hindi niya nagawa. Mahigpit na pala siyang nakatali sa isang silya at may busal sa bibig. Pilit niyang inaalala ang mga huling nangyari bago siya mawalan ng malay ngunit putol-putol bumalik ang mga ito. Hindi. Hindi sila putol-putol. Naaalala ko lahat. Sa sobrang bilis nga lang hindi ko lahat napansin. Pero si Tatay… Napakalayo na niyang muli mula sa mundo ng mga panaginip. Nandito siya. Natigilan siyang bigla nang mapansing ang amoy ng kanyang ama ay nandun pa rin. Nakabalot sa hangin.

Naririnig niya mula sa likod ang matanda. Kung hindi siya nagkakamali mula sa mga pagkalansing ay nagtitimpla nanaman ito ng tsaa. Sinubukan niya ulit galawin ang kanyang mga kamay at mga paa, ngunit anumang pilit niyang makawala ay talagang masyadong matibay ang pagkakatali sa kanya. Habang lalo siyang gumagalaw, lalo itong humihigpit.

“Ano, gising ka na?”

Humila si Raul ng dalawang upuan sa harap niya. Umupo ito sa isa habang ipinatong naman nito ang isang bagong tasa ng tsaa sa kabilang silya. “Isang oras ka ring tulog” sabi ng matanda.

Kinilabutan si Sinag sa sunod niyong ginawa. Tumawa ito ng malakas, at ngumiti ng napakalaki. Naalala niya ang mukha ng isang batang nagtitinda ng sampaguita sa Antipolo nang bigla niyang binili ang lahat ng tinda nito.

“Hindi mo alam apo kung gaano ko katagal hinintay ang oras na ito. Nakailang praktis din ako sa tapat ng salamin ah.”

“Ehem.”

“May gusto lang sana akong ibalik sa’yo.”

Kung nasa ibang sitwasyon lang sila’y malamang natawa pa siya sa mukha ng matanda habang ginagaya siya nito at nagpipigil ng tawa.  Kung sana ay hindi ito naglabas ng kwintas na parehas na parehas ng sa kanya at ang pinagkaiba lamang ay ang kulay. Kung sana ay hindi siya nagtangkang tumayo at sumugod at nasupalpal ng tuhod sa mukha at nawalan nanaman ng malay. Eh di sana ay naramdaman niyang itinayo ng matanda ang upuang natumba na pinagkakabitan niya. Sana ay naramdaman niya ang magaang yakap nito sa kanya. Sana ay narinig niya nang sabihin nitong “Hayaan mo, malapit nang maayos ang lahat. Lalo na’t ngayon ay magkasama na tayong muli, apo ko.” Sana ay nalaman niyang noong araw na iyon ay nagtagpo na ang araw at gabi.

Inilabas ng matanda mula sa bulsa ni Sinag ang asul na kwintas, saka nagbukas ng isang bintana sa kusina. Itinapat niya ng magkapatong sa isa’t isa ang dalawang bato, sa ilalim ng liwanag ng buwan, at nakita niyang naghalo ang mga kulay ng repleksyon nito mula sa puting pader ng bahay niya. Naging isa ang kulay ng dalawa. Asul at pula. At sa gitna ng dilim ng gabi, nasilayan ni Apolaki ang kulay ng dapithapon at takipsilim.

Napabuntong-hininga siya habang isinasara ang bintana. Nagtungo siya sa kabilang kwarto at sa tabi ng itim na bato hawak ng pilak nitong kamay ay inilapag niya ang dalawang kwintas, ngayon ay magkatali na, tulad ng dati. Nagsindi siya ng insenso at ngumiti.

“Oras na para sa isang Brusko Donut”.

Binalikan niya ang binatang natutulog sa kanyang kusina upang sabihan ng “huwag kang aalis diyan ah”. At nagmamadali siyang lumabas ng bahay.

Kabanata IV: Tata Seno

Kabanata IV: Tata Seno

“Tata Seno!”

Lumingon ang matandang lalaki sa isang mas nakakabatang lalaking nakangiti sa kanya. “Apolaki, ikaw ba yan?” ani Tata Seno, sabay abot sa antipara niyang nakapatong sa ibabaw ng isang lamesita katabi ng puting arinolang pinaglalagyan niya ng pera.

Pinagmasdan ni Apolaki ang matanda. Nakakatuwa namang mukhang mabuti pa siya.  Ang kanyang morenong mukha ay magaspang na sa dami ng linyang ipinamana sa kanya ng katandaan at mga karanasan. Mahaba ang puting buhok nitong hanggang siko ang haba. Bahagyang nangangayayat na ito mula noong huli silang magkita, ngunit tuwid pa rin ang likod nito, malapad ang mga braso, kitang-kitang malakas pa rin ang pangangatawan sa bawat mabagal ngunit maingat na paggalaw – liban na lamang sa mga nanlalabong paningin. Kung sabagay, siyam na pu’t isang gulang na ito. Nagniningning ang matanda dala ng maraming gintong kadenang nakapulupot sa leeg niya. Ang kanyang magkabilang braso, napupuluputan naman ng tig-pitong pulseras yari sa iba’t ibang kulay na mga bato.  Bawat daliri ay namumunga rin ng dalawampu’t limang singsing, mula sa huli niyang bilang, na ang ilang daliri’y doble pa ang dala kumpara sa iba. Napangiti ito nang maalala ang hitsura ng matanda nang mailathala ang larawan nito sa diyaryo. Itim rin na polo ang suot niya doon. “Matandang alahero, binali lahat ang daliri ng isang magnanakaw sa Cubao” ang sabi nito. Nakangiti doon si Tata Seno, halatang ipinagmamalaki ang kanyang gintong ngipin at ang kanyang ginawa sa buong mundo. Ginupit niya ang larawang iyon, nakasingit sa isa sa kanyang mga libro – ang kaparehong larawan, kasama ang ulo ng balita ay nakasabit naman ngayon sa isa sa mga pader ng maliit nitong tindahan.

Inayos ni Tata Seno ang kanyang antipara at tinitigang mabuti ang lalaki sa harap niya. “Paumanhin,” simula nito, “napagkamalan lang ata kita. May kaboses ka kasi.”

“Hindi Tata Seno, ako talaga ito!”

Pinagmasdan niya ang buong tindahan. Walang nagbago dito, ngunit lahat rin ay nagbago. Pareho pa ring pula ang kulay ng mga pader, at masikip pa rin sa dami ng mga kabinet ng iba’t ibang tangkad na naglalaman ng kung ano-anong mga gamit na itinitinda ng matanda. Napansin nga lang niyang bago na ang lahat ng mga ito. Mga bagong antigo. Ang kahoy na ulo ng isang nilalang mula sa mga alamat na nabasa niyang mainam raw ilagay sa harap ng isang bahay dahil bantay umano ito laban sa mga masasamang espiritu ay wala na. Dati itong nakasabit sa pader, katabi ng hubad na larawan ng isang sikat na artista noong kapanahunan niya – na ngayo’y napalitan na ng isang larawan ng mga lalaking tumatawid sa isang kalye. Nakakainis. Maganda sanang ilagay yung larawang iyon sa loob ng kwarto ko. Ang sindihan naman ng insenso na yari sa kawayan na dating nakalagay sa may salamin sa harap ng tindahan nito’y wala na rin. Sayang. Gusto ko pa naman sanang bilhin yun lahat ngayon.

Ibinaling niyang muli ang kanyang atensyon sa matandang hindi pa rin kumikibo, ngunit unti-unti nang ginuguhitan ng ngiti sa mukha.

“Aba’y ikaw nga anak!” Nanlaki ang mga mata ni Tata Seno. Hanggang ngayo’y hindi pa rin siya makapaniwala na si Apolaki nga ang lalaking nakatayo sa harap niya. Nakasuot ito ng magarang barong, itim na slacks, nangingintab na itim na sapatos, at higit sa lahat maiksi na ang buhok nito!

Nanibago siya. Sanay siyang palaging manipis na t-shirt lamang ang suot nito na minsa’y butas pa ang kili-kili, maong na kupas at punit-punit, at tsinelas. Nakangiti madalas habang hinahawi-hawi ang mahabang buhok nito.

Pagkatapos ay natakot siya. Para ipagupit nito ang kanyang buhok ay malamang may isang napakaimportanteng bagay na nangyari o mangyayari pa lang. Sariwa pa sa kanyang alaala noong minsa’y bigla na lamang itong bumisita sa kanya, bagong gupit rin tulad ngayon, upang ibalita ang pagkamatay ni Silab. Pagpalain nawa kami ng Diyos. Nangati ang kanyang mga kamay na magsindi ng tabako.

            “Bagay ho ba? Pinagupit ko muna.” Inilapag ni Apolaki pansamantala ang isang maliit na itim na bato na nasa ibabaw ng pilak na patungan nitong mistulang limang daliring may matutulis na kuko. “Dumaan lang sana ako dito kasi kailangan ko ng mas magpapagara pa sa porma ko. Matutulungan niyo ba ako, Tatang?”

“Aba’y, oo naman anak. Hindi lumaki ang tindahan ko mula sa pagiging isang lamesa lamang ng iilang kwintas, hikaw, at singsing, kung hindi ako laging handa sa mga pangangailangan ng mga suki ko.” Tumalikod ang matanda at gumawa ng tunog na tila tumawa ito. O baka naman umubo lang siya? Humarap ito sa pinakamalaking kabinet ng tindahan. Yari ito sa kahoy na may mga pintong yari sa salamin na pinintahan ng iba’t ibang kulay, bahagyang nagkukubli sa mga bagay na nasa loob nito. Dito marahil nakalagay ang pinakamamahalin niyang mga tinda. Sa gilid nito ang lamesitang may puting arinola, na may laman ring isang bungkos ng susi. Ang galing, ngayon ko lang napansin yun ah. Dun pala yun nakalagay. Ibang klase talaga itong si Tata Seno. Balot na balot ng kamay ni Tata Seno ang susi at ang susian kaya mahirap malaman kung alin sa mga ito ang susi ng kabinet. Marahil ay maski si Rajah ay hindi alam kung alin sa mga ito ang susi ng kabinet. Maingat nitong ipinaikot ang susian, na nagbigay ng isang malakas na lagatok. Isang tanda na matagal na itong hindi nabubuksan.

 

Labindalawang taon na ring nakakalipas nang huling dumalaw kay Tata Seno si Apolaki. Naaalala pa ng niyang tinatanaw ito habang nakatambay sa tapat ng kanyang tindahan. Alam niyang buong araw na itong nandun pero pinabayaan niya lamang ito. Malinaw-linaw pa ang mga mata ko noon. Naghintay lamang siya kung kelan ito papasok upang harapin siya nang bigla na lamang may isang dalagitang natalisod sa paanan nito. Nakita niyang dahan-dahang binuhat ni Apolaki sa kanyang balikat ang dalaga. Hindi nagtagal ay may tatlong lalaking dumating at sa malabong liwanag ng buwan ay malinaw niyang naaninagan ang ngiti ni Apolaki. Kilala niya ang ngiting ito. Ngiting gigil. Ngiting malamig.

Hindi ito nagmamadaling lapitan ang mga kaharap. Inuna niya ang pinakamalapit sa kanya. Dinuro niya ang dibdib nito sabay ikinuyom ang kanyang kamao. Ni hindi niya nakitang humugot ito ng pwersa o kahit bumwelo man lang, ngunit tahimik na lumipad ang lalaki. Ganon rin ang ginawa niya sa dalawa pang natira. Naintindihan rin niya kung bakit hindi na rin nakatakbo ang mga ito, pagkat napakabilis lamang ng mga pangyayari. Nakasampung segundo nga ba yun? Isang duro, isang kuyom. Isang segundo lang yun. Hay, hindi na bale! Magpasalamat na lang sila at maswerte sila dahil buhay pa sila.

Kung gaano kakampante si Apolaki sa paglalakad papalapit sa mga lalake ay wala rin itong ipinagbago papasok ng tindahan ni Tata Seno. Dahan-dahan siyang naglakad, tila namamasyal lang sa parke, papasok sa tindahan, na tila walang nangyari. Na tila walang tatlong lalaking nakabulagta sa harap niya na ang tanging katibayan lamang na buhay pa ang mga ito ay ang mabagal na pagtaas-baba ng mga dibdib nila.

Nasa ikalawang palapag ng tindahan ang bahay ni Tata Seno, at sa sofa nito inilapag ni Apolaki ang dalaga. Matapos ay dumiretso ito sa maliit na kusinang, hapag-kainan na rin ng matanda. Tahimik lamang. Wala ni isang salita. Parang hindi ako ang may-ari ng bahay. Parang multo lang ako na hindi niya nakikita. Anak ng – . Kung sabagay, halos pangalawang bahay na rin naman niya ang bahay ko dahil halos anak ko na rin siya, lalo na’t halos siya na rin ang nagpalaki sa apo kong si Rajah mula nang mamatay si Datu.

“Patay na ang anak ko” sabi nito. Hindi siya kaagad nakaimik noon. Hindi agad makapaniwala sa dala nitong balita. Si Silab ang pinakahuling taong inaasahan niyang mamatay ng maaga. Napakabait nito at napakagaling sa paggamit ng espada. Wala itong kaaway, liban na lamang kung… Hindi na niya hinayaan ang sariling tapusin ang sarili niyang iniisip. Tutal napakaimposible naman nito.

Dumating si Apolaki galing sa kusina hawak ang dalawang tasa ng kape. Inabot nito kay Tata Seno ang isa habang tinatabihan ang wala pa ring malay ng dalaga sa sofa. Humila na lamang si Tata Seno ng isa pang upuan galing sa kusina.

“Si Rajah ba ang dahilan? Ang apo ko ba ang may gawa niyan sa anak mo?” May mahinang kalansing na narinig si Tata Seno na ang buong akala niya’y sa mga nanginginig niyang kamay nanggaling. Nagulat pa nga siya nang mamalayang imposibleng sa tasa niya ito manggaling pagkat halos malapit na ito sa mga labi niya. Ang kanyang paningin ay nabaling sa hawak-hawak na tasa ni Apolaki.

“Hindi ko alam, at ayoko na po munang alamin.” Hindi pa rin nito nababawasan ang hawak nitong tasa na nakapatong sa platitong may maliit na kutsarita sa gilid. Lahat ito, nanginginig. Nang mapansin ni Apolaki na nakatingin na sa tasa niya ang matanda ay bigla na lamang itong tumayo pabalik sa kusina sabay inom sa tasa ng kape na para bang hindi bagong kulo ang tubig na ipinangtimpla niya dito, ilang minuto pa lamang ang nakakalipas. Bagamat wala sa sarili, tila siya ay nagulat din nang mabasag niya ang platito habang inilalapag ito sa lamesa kasama ang tasa at kutsarita. Pareho lamang nilang tinitigan ang dalawang tipak ng porselana. Ang katahimikan, binasag naman ni Tata Seno.

“Hayaan mo na ang platito, anak”.

Pumwesto na si Apolaki para buhatin ang dalaga, at nang palabas na ito ng pinto, nagsalita itong muli. “Isang araw Tata Seno, nakasisiguro akong hahanapin ng apo ko ang apo niyo, at pagdating ng araw na iyon, asahan mong babalik ako at babalitaan kita.”

 

“Ah, Tatang. Ayos lang ho ba kayo?”

Hindi namalayan ni Tata Seno na ilang minuto na rin pala siyang nakatalikod kay Apolaki, at lumuluha na pala siya. Tinanggal niya panandalian ang kanyang antipara upang punasan, ganoon din ang kanyang mga mata.

Mula sa matandang kabinet ay binuksan niya ang isang kahoy na kahon. Mukhang magara dahil sa mga nakaukit na mga bulaklak dito, ngunit ang totoo’y hindi naman magara ang kahoy na ginamit upang buohin ito – hindi magara para sa iba, ngunit puno naman ng kahalagahan para sa kanya. Sa likod niya’y tahimik lamang na naghihintay si Apolaki. Maingat na hindi masyadong tumitig sa mga pagmamay-ari ni Tata Seno na galing sa malaking kabinet habang wala sa sariling hinawakan ang kanyang leeg. Galing sa loob nito’y nakita niyang inilabas ng matanda ang isang itim na libro. Pinahid ng matanda ang mga alikabok nito sa kanyang itim na polo, hindi alintana ang marka na idudulot nito sa kanyang damit. Sunod nama’y hinango niya mula sa loob ng kahon ang isang gintong relo at isang puting singsing. “Yari ito sa buto ng isang tamaraw”, ani ng matanda habang ibinabalik sa loob ng kahon ang libro.

Hindi pa rin lumilingon kay Apolaki, tinanong niya ito. “Oras na ba, anak?”

“Oho Tatang. Magtatagpo na ang araw at gabi.”

Humarap ang matanda kay Apolaki, inabot ang isang kamay niya at dito inilagay ang relo at singsing. Mahigpit na ibinalot ni Tata Seno sa kanyang mga kamay ang kamay ni Apolaki. Napakabigat pa rin ng hawak nito, isip ni Apolaki, habang nakatingin sa dalawang payat at nangungulubot na mga kamay na punong puno rin ng mga namumukol na ugat na kasalukuyang nakayakap sa palad niya.

“Kung gayon, kakailanganin mo ng magarang relo at singsing para makumpleto ang porma mo.”

“Salamat po, at patawad.” Sinagot ni Apolaki ang hawak sa kanya ni Tata Seno ng isang mahigpit ring pagkapit mula sa kanyang kabilang kamay. Tiningnan niyang muli ang kanilang mga kamay, ngayon nama’y ang kanyang sariling ugating kamay ang nasa ibabaw ng mga magkakayakap na palad.

“Hindi, anak”. Mas humigpit pa ang pagpiga ni Tata Seno sa kamay ni Apolaki. “Kung ano ang kailangan mong gawin ay gawin mo. Kapag nagawa mo sila, iyon ang itinakda.” Napabuntong hininga si Tata Seno at yumuko. Nararamdaman niyang papatulo nanaman ang mga luha niya. “Dalawang pabor lang”, habol niya habang patuloy na ikinukubli kay Apolaki ang mga luha ngayo’y gumuguhit na pababa ng kanyang mga pisngi. “Alamin mo naman ang katotohanan. At kung kailangan, patayin mo naman siya ng mabilis, walang sakit, at may dignidad.”

Gumaan ang hawak ni Apolaki sa mga kamay ng matanda. Mas matangkad lamang siya dito ng kaunti, ngunit tila lumiit si Tata Seno. Tila mas humina. Pinigilan lamang niya ang sarili mula sa pagyakap dito. Kahit kailan ay hindi ito natuwa magpakita ng emosyon o pakitaan rin ng anumang paraan ng pagmamahal, paglalambing, o maski pakikiramay. Ang totoo’y ngayon pa nga lang ata niya nakitang yumuko ito sa harap niya. Nagkuyom muna ang kaniyang mga bagang bago muling nagsalita, mga ilang minuto rin siguro ang lumipas.

“Yung bato po, yung kulay itim, magkano po iyon?”

Pinakawalan ni Tata Seno  ang mga kamay ni Apolaki at pinahiran ang kanyang mga pisngi. Nakangiti, pinuntahan niya ang batong tinutukoy ni Apolaki. Hinawakan niya ito sa kanyang mga kamay. Mabigat, hindi lamang dahil sa bigat nito kundi pati na rin sa pakiramdam na idinudulot ng presensya nito lalo na kung hawak-hawak mo. Ahh, si Apolaki pala ang hinihintay mo.

Halos lahat ng taong nakakakilala sa kanya’y sigurado na kaya siya naging alahero, at ngayon, may-ari ng isang tindahan na nagbebenta pa rin ng mga alahas, kasama ng mga antigo, ay dahil sa pera. Totoo, mukha talaga akong pera. Hindi ko naman itinatanggi yun eh. Pero ang hindi nila alam, mahilig ako sa mga lumang kagamitan dahil mahilig ako sa kasaysayan. Hindi nila alam na minsan, sa kasawiang palad, ay mas makabuluhan pa ang buhay ng mga gamit na binibili at itinitinda ko kaysa sa buhay ng ilang tao dito sa mundo. At ang mas mahalaga pa’y minsa’y mas malaki pa ang naitutulong ng mga pawang gamit lamang sa buhay ng isang tao kaysa sa ibang taong inaakala niyang tunay na kaibigan o kapamilya. “Tulad mo.”

Hindi niya namalayang nagsalita na pala siya, kung hindi pa si Apolaki sumagot ng “Ano po iyon?”.

“Ah wala, pasensya na. Napakaganda lang kasi nitong bagay na napili mo. Alam mo bang minsan ay gumagawa pa ako ng paraan para lamang alamin ang mga kwento ng bawat bagay na nandito sa loob ng tindahan ko? At itong batong ito? Ahh..napakaganda ng kwento nito. Pero iyon ay para sa ibang panahon na. Hindi ngayon. At kung napili ka niya bilang may-ari, sino ba ako para tumanggi?”

Inabot na lamang sa kanya ng matanda ang itim na bato na tila hawak ng pilak na kamay. “Libre na para sa iyo, anak. Apolaki.” Alagaan mo sana itong mabuti.

“Aalagaan ko po ito.” Nakangiti si Apolaki habang hawak-hawak sa kabilang kamay ang bato, tila isang batang naligaw sa tindahan ng kendi at binigyan ng tatlong pinakamasarap na tsokolate sa buong mundo. “Akala ko po ang pinakamagagandang gamit niyo ay nasa loob nung kabinet?”

Lumingon si Tata Seno sa kabinet na tinutukoy ni Apolaki. “Ah iyon ba anak? Hindi. Ang mga naroon ay koleksyon ko na. Mga bagay na sigurado kong ako ang pinili nila na tagapangalaga. Ngunit ang mga ito?” Itinaas niya ang magkabilang kamay, tila bibigyan ng isang malaking yakap ang buong tindahan, “Sila ay naghihintay pa ng mga may-ari, at ako ay tagapaghatid lamang. Siyempre may bayad.” Mas lumaki ang ngiti ng matanda, sabay kindat kay Apolaki.

Sinuklian ni Apolaki ang mainit na ngiti ng matanda ngunit makalipas ng ilang sandali ay nawala na rin ito. Ang kanyang boses ay bumalik sa seryoso nitong tono, tulad ng kanina. “Hindi ko po masisiguro iyon Tatang,” simula niya. “Lalo na kung hindi sa akin para kitilin ang buhay ng inyong apo. Ngunit ang maipapangako ko po eh isa lang.”

Inilapag muna ni Apolaki sa isang malapit na lamesa ang kanyang mga hawak-hawak. Maski ang lamesang ito’y punong-puno rin ng kung ano-ano. Tila isang malaking baul ng kayamanan talaga itong lugar na ito. Naglabas si Apolaki ng isang malapad na panyo mula sa kanyang bulsa at maingat na ibinalot ang itim na bato na ibinigay sa kanya, kasama ang pilak na kamay na nakahawak dito. Pagkatapos ay ibinulsa na niya ito. Isinuot naman niya sa kanyang kanang kamay ang relo at ang puting singsing. Nakita niyang may nakaukit na bulaklak dito. Katulad ng mga bulaklak na nasa kahon kanina. Mukha man pambabae ang singsing dahil sa disenyo, hindi maitatangging panlalaki ito sa laki ng daliri na pagkakasyahan nito, at sa bigat. Ibinukas-sara niya ang kanyang kamay na naninibago pa sa nakasuot na singsing. Pinagmasdan pa niya ng ilang sandali ang kanyang kamay. Medyo mahirap din palang makasanayan na may mga nakakabit sa kamay mo. Pagkatapos ay tumalikod na siya, nagtungo sa may pinto ng tindahan, at itinulak ito ng bahagya. Bago siya tuluyang umalis, nagsalita siyang muli.

Hindi po mauuwi sa wala ang kanyang buhay, at pagdating ng panahon na iyon, asahan niyong babalik ako at babalitaan kita.”

Kabanata III: Sayaw Sa Apoy

Kabanata III: Sayaw Sa Apoy

Nakikipagsayaw sa hangin ang nagbabaga pang pulang alipato bago tuluyang mawalan ng liwanag at maglaho sa dilim ng gabi.

“May panibago nanaman pong biktima ang inyong apo, Lolo Apolaki.” Ipinaypay ni Gabay sa hangin ang kanyang palad upang ilayo sa kanyang mukha ang pinaghalong mga alipato at usok, nang matamaan niya ang sariling salamin na nagpatalsik dito sa lupa. Natawa ang maliit na morena sa nangyari. “Pasensya na po Lolo”, habol nito, habang nakangiti pa rin. Pinanood lamang siya ng matanda habang umuupo siya at kinakapa-kapa sa sahig ang nawawalang antipara.

Sinuklian ng matanda ang ngiti nito, at tinulungan ang magandang dilag sa pagpulot sa kanyang salamin. Tahimik lamang na pinagmasdan ni Apolaki ang dalaga habang nagsusuot ito ng salamin at inaayos ang pagkakapantay ng bangs nito. Talagang sinasadya marahil ng dalaga na itago ang kanyang natural na ganda sa likod ng kanyang buhok at nanlalabong mga mata, sa isip nito.

“Salamat ‘lo.”

“Salamat rin, iha. Si Liksi nga pala?”

“Pabalik na po.”

“Kung iyon lang ang ibabalita mo sa akin, makakaalis ka na.”

Tumayong muli ang dalaga at nagsimula nang maglakad palayo habang hindi man lang umangat ang pwet ng matanda mula sa pagkakaupo nito sa lupa. Huminga lamang siya ng malalim at nagpatuloy sa naputol na pagdarasal. Humihingi siya ng lakas sa mga nakapaligid na kakahuyan ng Bundok Sierra Madre sa mga kakailanganin niyang gawin. Huminga siyang muli ng malalim habang pinapakiramdaman ang sagot ng kabundukan. Sa isip niya, nakita niyang gumapang ang kulay berdeng kapangyarihan mula sa mga ugat ng puno patungo sa likod niyang nakaugat din sa lupa. Sa isip niya, malinaw niyang nakita ang pagliliwanag ng kanyang buong katawan sa isang nakakasilaw na berdeng bola ng apoy. Sa mga ugat niya, naramdaman niyang dumaloy ang init ng berdeng apoy na kumalat sa kanyang buong katawan. Sa noo niya, dumaloy ang isang patak pababa sa kanyang baba mula sa nagbutil-butil na pawis. At sa mga kamay niyang nakapatong sa mga tuhod niya, nagbaga ang init ng kapangyarihang ito, pumipintig-pintig, nagsusumigaw na makawala.

“Salamat po.” – Gumuhit ang mga salita sa kanyang labi, ipinaparating kay Pinagmulan na natanggap niya ang kanyang ipinagdarasal.

Tinitigan ni Apolaki ang mga nagsasayaw na ningas ng apoy ng ginawa niyang siga. Parang si Sinag ang mga ito, nag-iinit, nagbabaga, walang direksyon, walang pakialam sinuman ang mapaso. Napakalamig sa bundok na ito at kung hindi ka gagawa ng siga ay may posibilidad kang mamatay sa lamig. May parte pa kaya sa pagkatao ng aking apo na nagniningas upang magbigay ng liwanag at buhay? Sana nga. Sana nga hindi pa huli ang lahat. Oras na nga siguro para magpakilala ako kay Sinag.

“Gabay!”

Bahagyang natisod pa ang dalaga sa pagmamadali. Muli nanaman niyang inabot ang kanyang salamin upang ipantay ito. “Lolo, bakit po?”

“Sa tingin mo ba kapag nagpakulay ako ng buhok ay magmumukha pa akong 40 anyos?” sagot ng matandang malapit nang maging 75 taong gulang.

“Siyempre naman po, pero para diyan, mas mabuting si Dalisay na lang ang kausapin niyo.”

Dalawang araw rin ang inabot ng paglalakad ng matanda pababa ng bundok, patungo sa isang base ng kanilang kilusan na nagbabalat-kayo bilang barberya.  Napakaliit lamang nito, may dalawang upuan sa loob upang gamitin ng mga magpapagupit, isang mas mahabang upuan na may lababo sa ulonan nito, at sa tabi nito’y isang napakasikip na banyong, isang kubeta lamang ang laman at isang balde ng tubig na may lamang isang tabo. Napakarumi na nga nito sa dami ng mga lalakeng gumagamit buong araw. Sa sahig ng barberya, hanggang sa loob ng banyo’y nagkalat ang mga buhok. Sa tatlong sulok nito’y iba’t ibang kalendaryo ang nakasabit. Iba’t ibang taon na may magagandang babaeng bikini lamang ang suot. Sa ikaapat na sulok naman ay isang malaking salamin at sa tabi ng salamin na ito ay isang poster ng iba’t ibang lalaking may iba’t ibang gupit ng buhok. Sa kisame’y nag-iingay ang kaisa-isang electric fan, habang umiikot ito, at paulit-ulit na pumapalyang palamigin man lang ang tila maliit na oven.

Sa labas ng barberya’y may isang mahabang kahoy na silya para sa mga nakapila. Halos limang tao din ang kasyang umupo dito ngunit kulang na kulang ito sa palaging mahigit sampung tao na nakapila anumang oras ng buong araw, mula sa pagbubukas nito sa umaga, hanggang sa pagsasara nito ng alas-sais ng gabi. Halos lahat sa mga ito’y nag-aasam na magupitan ng talentadong may-ari ng barberya. Paminsan-minsan nama’y may mga naliligaw dito na walang balak magpagupit, mga nagnanais na humingi ng pangangalaga ni Apolaki. At sa mga mas madalang pang pagkakataon, tulad ngayon, si Apolaki mismo ang nakapila upang humingi ng pangangalaga.

Lumingon ang isang lalaki sa matanda sa dulo ng pila. “Pasensya na ho kayo Lolo, ako na raw ang huli niyang gugupitan at masama daw ang pakiramdam niya ngayon.” Hindi umimik ang matanda at sa halip ay nginitian lamang nito ang lalaki. Napakalaki ng matanda, sa isip nito, matangkad at malapad ang pangangatawan. 5’4” ang tangkad niya’y hanggang sa balikat lamang siya nito. Napakahaba ng puti na nitong buhok. Ilang taon na kaya siya? Napakahirap namang sabihin dahil halos kakaunti pa lamang ang mga guhit nito sa mukha. Mabuti pa ang matanda at manipis na polo lamang ang suot, pero hindi, sinuot ko itong bago kong polo para kay Dalisay kaya papanindigan ko na. Nakakainggit din ang denim niyang shorts at tsinelas, samantalang ako nakaslacks pa. Akala nga ng nanay ko mag-aapply ako sa trabaho. Nakalimutan na ng lalaki kung gaano na siya katagal nakatitig sa matandang katabi niya, pero pagtingala niya sa mukha nito’y nakangiti pa rin siya. Shit. Nakakatakot talaga siya. Bakit ba niya ako nginingitian? Saka bakit ang laki ng backpack niya? Samantalang magpapagupit lang naman siya ng buhok.

“Eh anong pakialam mo, ikaw nga sa kabilang kanto lang ang bahay mo, mukha kang mag-apply ng trabaho.” Tila narinig ng lalaki na sagot ng matanda sa isip niya.

“Ehem.” Umubo si Apolaki, at itinuro ang nguso niya pabalik sa pila, at paglingon ng lalaki pabalik ay umusog na pala ito, at halos dalawang tao na ang kasya sa pagitan nila at ng mga nasa harapan.

Napabuntong hininga si Mario, habang mahigpit na pinipiga ang mga gilid ng maong sa may hita niya. Payat lamang siya kaya aalog-alog ang maingay na upuan sa puwet niya.

“Pasensya ka na, medyo kalawangin na ang paa ng mga silya dito sa barberya ko, pero huwag kang mag-alala, hinding hindi ka mahuhulog, pangako.”

Lalong humigpit ang kapit niya sa gilid ng kanyang hita sa boses ng babae. Namumuti na nga ang kanyang mga kamaong nagsisimula nang guhitan ng mga ugat. Lalo ring umingay ang upuan dahil nagsimula na ring mangatog ang mga tuhod niya. Pilit na iniipit kung ano man ang nasa pagitan nito. Tiningnan niya ang kanyang sarili sa salamin. Maiksi pa naman ang kanyang medyo kulot na buhok. Sa katunayan ay hindi naman talaga siya nangangailangang magpagupit. Isang malalim na kulay asul na bilog na ang gumuhit sa dibdib niya dahil sa sobrang pawis, at hindi pa nakakatulong ang paikot-ikot na bentilador sa taas. Nakakahiya ka, bulong niya sa kanyang isip. Medyo tinuwid niya ang kanyang pagkakaupo nang lumapit sa kanya ang babaeng kung tawagin nila’y Dalisay.

Manipis na dilaw na spaghetti strap at puting palda lamang ang suot nito. Hubog na hubog sa suot nito ang makurba niyang katawan, lalo na ang malulusog nitong dibdib na tila gusto nang tumalbog palabas ng blusa nito, lalo na’t walang bra na pipigil sa pagtakas nila kung sakali. Pupusta akong wala rin siyang panty. Muli siyang nagpakawala ng mahabang hininga. Sandali. Kailan nga ba akong huling huminga? Hindi ko na maalala. Relax ka lang. Huwag mong ipahiya ang sarili mo. Nakakainis! Kung sana’y hindi ako nakulong sa hospital na yun ng matagal eh di sana’y alam ko kung anong gagawin ko sa ganitong mga pagkakataon. Haaay.

Mula sa malayo’y tila narinig niya ang boses ng isang matanda sa isip niya. “Huwag kang mag-alala, kaya mo yan”, ang sabi nito.

“Ha?” Napalingon siya, ngunit wala namang tao sa likod. Paglingon naman niya pagbalik sa salamin ay napanganga siya sa gulat nang makitang nakatuwad na sa likod niya si Dalisay, at mula dito’y kitang-kita at ramdam na ramdam niya ang malambot na pagsayad ng dibdib nito sa kanyang kanang balikat. Namula ang kanyang mukha at naglitawan ang kanyang mga pekas. Itinaas ni Dalisay ang kanyang kaliwang kamay na may hawak ring gunting upang ipatong sa kaliwang balikat ni Mario, habang inilapag naman niya sa kanang balikat ng lalaki ang isa pa niyang kamay. Akala ng lalake’y hihimatayin na siya sa sobrang pagpipigil ng hininga lalo pa noong lalo pang inilapit ni Dalisay ang kanyang mukha sa tenga ni Mario, at ang kanyang dibdib, lalo pang dumiin sa braso nito.

“So pogi, anong gusto mong gupit?” Malambing ang boses ng dalaga. Mapang-akit. Mahina lang ang pagkakabulong nito sa kanya at naramdaman niya ang bawat paghinga nito sa kanyang tenga kung saan may isang patak ng pawis ang tumulo pababa sa kanyang leeg.

Mula sa labas ng barberya’y nakatayo si Apolaki, nakangiti habang nakasilip sa malabo nitong salamin. Talagang magaling itong si Dalisay sa pagbabalat-kayo. Naaalala pa niya noong inampon niya ito. Nakablusa siyang puti, naka-asul na blazer, at asul na slacks. Mataas ang takong ng sapatos. Maiksi pa ang ngayong mahabang buhok nito. Mas bagay sa kanya ang gupit niya noon, mas kita ang kanyang maliit na mukha, ang makinis niyang mga pisngi, ang matangos niyang ilong, ang mga chinita niyang mata na kasing itim ng gabi, at ang manipis niyang mga labi na tila dalawang maliliit na talulot ng pulang rosas na naghahanda pa lamang sa pagsibol.

Humahangos siya noon. Takot na takot na tinatakbuhan ang tatlong lalakeng humahabol sa kanya, nang mapadpad siya sa eskinitang nagkataong naroon si Apolaki. Hindi talaga niya matatakbuhan ang tatlong yun. Lalo na’t maski sa dilim ay nangingintab pa rin ang kanyang kaputian.

Nakangiti ang mga lalaki nang matalisod ang dalaga sa paanan niya. Tuluyan nang nabali ang takong ng mukhang mamahalin nitong sapatos. Tuluyan na ring tumiklop ang hapong-hapo nitong mga tuhod. Kumapit siya sa laylayan ng kupas na maong ng matanda, tumingala, at bumulong ng “tulong”, bago ito mawalan ng malay.

“Hayaan niyo ‘Lo, titirhan pa namin kayo.”

Tiningnan ni Apolaki ang tatlong lalake. Kitang kita na medyo may edad na ang mga ito, naglalaro sa pagitan ng 35 hanggang 40 anyos. Mga nakapolo-barong. Ang pagiging artipisyal nila’y nangangamoy na kasing lakas ng kanilang nakakasulasok na mga pabango.

“Hindi na lang.” Sabi nito. Hindi na nalaman ng mga ito kung ano ang nangyari sa kanila, basta ang huling alaala ng bawat isa’y dahan-dahang lumapit ang nakangiting matanda habang buhat-buhat ang dalagang mahigit isang oras rin nilang hinabol, at ang sumunod na nangyari’y napapikit na lamang sila habang isa-isang lumilipad sa hangin.

Tiningnan ni Apolaki ang nakakabit na ID sa dalaga. Charlene Montemayor. Philippine and International Currencies Bank. Teller. Artificial. Sa gilid ng ID ay isang maliit na asul na globong nagliliwanag – tanda ng mga sinag na nakapaligid dito, pareho sa nakaburdang logo sa polo barong ng mga lalakeng  pinatulog niya. Alam niyang wala nang babalikan ang dalaga. “Hayaan mo apo,” bulong ng matanda sa kanya. “Walang tinatalikuran si Apolaki. Mula ngayon, ikaw na si Dalisay.”

“Walang tinatalikuran si Apolaki”, bulong ni Mario. Sinubukan niyang lumunok kaya lang ay tuyong-tuyo na talaga ang kanyang bibig. Mga ilang segundo rin bago siya nakasagot. Hindi nga niya alam kung saan nanggaling ang maliit na boses na lumabas sa bibig niya habang nakatitig sa magandang dalagang mas lalo pang pinaganda ng tila inukit nitong mga kilay, mga chinitang mga matang nakasuot ng contact lens na kulay abo na pinatingkad ng kulay kahel na eyeshadow, at mapupula nitong mga labi na may mga pakintab pang nakalagay.

Ilang segundo rin bago sumagot ang dalaga. Kumurap-kurap ito, tila pinoproseso ang katagang sinabi niya, ngunit mula sa salamin nakita niyang tila nagningning ang mga mata nito, at sa kanyang mga labi’y may gumuhit na isang ngiti.

“Hindi sa’yo bagay magpagupit, pogi. Baka ang bagay sa’yo, magpahaba ng buhok.”

Hindi man narinig o naintindihan  ng mga lalakeng nakapila kung ano ang ibinulong ng dilag sa binata pero iisa ang tumatakbo sa mga isip nila. Sabik na silang sumunod.

Tumagal ng buong maghapon ang paghihintay ni Apolaki sa pila ni Dalisay, at nang siya  na ang umupo sa mainit-init nang silya, kung nagulat man ang dalaga ay hindi ito nagpahalata.

“Ibang klase din yung nauna sa’kin ‘no?”

“Oo nga eh, sabi ko mukha siyang mag-aanak sa binyag. Nakapolo pa eh!”

“Di’ba ‘no?”

At sumabog sa tawanan ang mag-lolo. “Bakit nga ba kayo bumaba ‘Lo?” tanong ni Dalisay habang nagpupunas pa ng luha sa kanyang mga mata sa sobrang pagtawa.

“Eh balita ko kasi magaling ka raw magpa-gwapo.” Ani Apolaki.

“Dati ka nang gwapo, hindi mo na’ko kailangan”, biro ni Dalisay, ang kanyang boses, may halong paglalambing.

“Kailangan ko na yata kasing magpagupit at magpatina para magmukhang bata.”

“Ano?!” Pasigaw na tanong ng dalaga. “Ang ganda-ganda ng buhok niyo at ang tagal niyong pinahaba. Hindi niyo kailangan gawin yan.” Pailing-iling pa ang dalaga, habang kinukuha ang walis at dust pan. “Saka kung gusto niyo talagang magpabata eh, gaano ba kabata ang gusto niyo? Nako pag inayusan ko kayo, magmumukha kayong 30 years younger.” Napangiti ang dalaga sa sarili niyang biro, ngunit patuloy pa ring umiiling, tila ipinapahalata talaga sa matanda ang tahasan niyang pagtanggi sa naisip nito.

“Talaga? Tamang-tama, kasi kailangan ko talagang magmukhang kwarenta.”

Natigilan si Dalisay sa kanyang pagwawalis at ipinasandal muna sa dingding ang mga hawak niya. Nakapamewang itong lumingon sa matandang hindi pa rin gumagalaw sa kanyang kinauupuan. Nakangiti pa rin. Naningkit ang mga mata niya habang tinititigan ito. Oo nga, seryoso nga siya. “Akala ko ho eh nagbibiro lang kayo.” Naupo si Dalisay sa katabing upuan at patuloy na nakipagtitigan kay Apolaki sa salamin. “Pero ‘Lo, hindi talaga sa inyo bagay magpagupit. Mas okay talaga sa inyo ang mahabang buhok.” Nagpakawala ng buntong hininga si Dalisay. Masarap umupo. Napagod rin siya sa panggugupit buong araw. Sulit man dahil sa perang naitutulong niya sa kilusan, nakakapagod pa rin. Ngunit, sa hindi maipaliwanang na dahilan, tuwing nakakasama niya ang matanda ay gumagaan ang pakiramdam niya. Sinuklian ni Dalisay ang matamis na ngiti ni Apolaki, habang umaabot ng basang tissue mula sa isang malaking pakete nito sa ibabaw ng isang maliit na lamesitang nasa pagitan ng dalawang silya, pinagpapatungan rin niya ng mga gunting at pang-ahit.

Napatingin siya sa bintana ng kanyang munting barberya. Gabi na. Mula sa labas ay nakita niyang nakatayo si Mario. Matagal-tagal rin niyang hinintay ang pagdating nito, at matagal-tagal na rin itong naghihintay sa labas. Napatingin siyang muli sa salamin at nagsimula na siyang pahirin ang mga kolorete niya sa mukha. Buti na lang hindi pa siya naiinip. Huwag muna sana siyang umalis at matagal pa ata ako makakauwi.

“Kahit anong gupit naman ay bagay sa’kin”. Tila medyo nagulat pa si Dalisay nang biglang nagsalita muli ang kanyang lolo.

“Aba oo naman, kanino pa ba ako magmamana.” Wala sa sariling tumayo si Dalisay at itinapon ang basang tissue sa sahig.

“Mas maganda ka talaga kapag ganyan ka lang, maaliwalas ang mukha.” Sabi nito sa kanya.

“Talaga?” Napakagat ng labi si Dalisay, at muling sumilip sa bintana. Sa unang pagkakataon ay nakita niyang may gumuhit na linya sa makinis na mukha ng dalaga. Bakas sa hitsura nito ang pag-aalala. Ngunit sa isang iglap rin lamang ay nawala na ang linyang ito, ni hindi makikita o mahahalata ng iba, kung hindi nila tititigan ng mabuti ang kanyang mukha.

“Oo naman, wala ka talagang kasing ganda.” Mas matamis na ang ngiti ni Apolaki. “Oh siya, umpisahan mo na’kong gupitan nang makalarga na tayo at gumagabi na.” Natawa na lamang si Apolaki nang nagmamadaling kinuha ni Dalisay ang gunting.

“Kwarenta ba kamo?” Nakangising tanong nito.

“Oo. Kailangan ko lang talagang magpagupit at magpagwapo. Yung talagang pinakagwapo kong hitsura? Ganon ang gawin mo.”

Kumuha muna ng malinis na plastik si Dalisay at inilapag sa lamesita. Huminga pa ito ng malalim, pumikit at bumulong-bulong na tila nagdarasal, at nang iminulat nito ang kanyang mga mata’y hinawakan ng mahigpit ang isang bungkos ng buhok ng matanda at saka diretsong ginupit.

Bakas sa mukha ng matanda na nasaktan ito nang bumagsak ang kanyang natirang buhok at hindi na niya naramdamang sumayad ito sa kanyang balikat. Mabuti na lamang ay nakatalikod si Dalisay at inilalagay sa plastik ang buhok na ginupit mula sa kanya kaya hindi siya nito nakita.

“Nako Lolo, maski nakangiti kayo at hindi kayo nagsasalita, alam kong nalungkot kayo. Hindi bale. Ito. Itinabi ko ang buhok niyo. Ni hindi ko nga ipinasayad sa sahig at alam kong sagrado ito para sa inyo.” Ibinuhol ni Dalisay ang lalagyan at iniabot ito sa matanda. “Gaano na nga ba katagal mula noong huli kayong nagpagupit?”

“Mula nang mamatay ang kaisa-isa kong anak.”

May bahid ng awa ang mukha ni Dalisay nang tiningnan niya si Apolaki. “Oo nga pala. Bakit nga ba kailangan niyong magpagupit?”

“Makikipagsayaw kasi ako sa apoy. Nag-aalala akong mas madaling masunog ang mahabang buhok. At isa pa, may kikitain akong importanteng tao, at mahalaga talaga sa’kin na magmukha akong katanggap-tanggap sa paningin niya.” Seryoso na ang mukha ng matanda. Tila sa isang iglap ay lumitaw ang itinatago nitong edad. Edad na kahit kailan ay hindi nahahalata dahil sa kakaunting guhit ng mukha nito, at sa lakas ng kanyang pangangatawan.

“Wag kayong mag-alala Lolo. Ako ang bahala sa’yo”.

“At sa kanya?” Umiling bahagya si Apolaki patungo sa bintana ng barberya, kung saan nakatayo ang isang matangkad at payat na binatilyo.

“Ah oo naman, pati sa kanya.”

Kabanata II: Mga Pilosopiya Sa Talaba

Kabanata II: Mga Pilosopiya Sa Talaba

3:59 ng umaga.

Naunahan pa ng pagdilat ni Sinag ang pagpatak ng alas-kwatro sa orasan sa tabi ng kama niya. Mula pa pagkabata’y nakasanayan na niyang gumising ng ganito kaaga. Mabilis siyang bumangon at inabot ang dulo ng kanyang mga paa hanggang sa tumunog ang natutulog niyang likod – tanda na gising na rin ito. Suot lamang ang puting sando at ang itim na shorts na ginamit niya sa pag-eensayo kagabi, na binabawan ng kulay abo na jacket, sinuot ni Sinag ang paborito niyang sapatos. Ang kulay nito’y isang malalim na asul, na tila gabi, magaan lamang, malambot, ginawa talaga upang gamitin sa pagtakbo.

4:45 ng umaga.

Sakto lamang ang pagdating niya sa pinakamalapit na palengke. Papasikat pa lamang ang araw, kasabay ng mga mangingisdang naghahatid ng kanilang huli sa mga suki nilang tinderang hinasa na ng panahon sa tawaran. Tahimik lamang si Sinag na nag-aabang sa tapat ng suki niyang puwesto, iniiwasan ang pangiti-ngiti ni Jing-jing, habang tinutulungan ang nanay niyang si Aling Siony na mag-ayos ng mga tinda nilang alimango.

“Batang ‘to, mahiya ka nga kay Kuya Justin mo, kabata-bata mo pa, kumekerengkeng ka na!” Bungad ni Aling Siony nang mahuli si Jing-jing sabay salubong ng paghila sa buhok nito.

“Nanay naman! Umagang-umaga, natutulog pa nga ang Diyos, nanenermon ka na!”

Napangiwi si Sinag sa pagkabanggit ng pekeng pangalang ibinigay niya sa tinderang halos naging nanay na niya sa nakalipas na anim na taong pagtangkilik niya sa puwesto nito. Binibigyan na nga niya ang mag-ina ng regalo tuwing pasko, dahil wala naman siyang ibang itinuturing na pamilya. Tila anim na taon na rin ang nakakaraan nang tanungin siya nito kung ano ang pangalan niya at sa pagmamadali’y Justin na lang kanyang isinagot – pangalan na nakasulat sa damit ng isang mamimiling nakatayo sa likod ni Aling Siony.

Kung gaano ang pait ng simangot ni Jing-jing sa nanay niya ay siya namang tamis ng ngiti niya kay Sinag.

“Anong bibilhin mo ngayon kuya? Sariwang-sariwa ang mga alimango namin ngayon. Kita mo naman, naninipit pa, parang si ina.”

“Ah, haha, oo nga eh. Pero talaba ang gusto ko sanang bilhin ngayon. Meron ba kayo?”

“Siyempre naman Kuya Justin, basta para sa’yo, sariwa ang talaba namin.”

“Hay Dios mio! Lumayas ka na nga dito Jing-jing! Iba na lang ang landiin mo.” Sabat ni Aling Siony, hawak-hawak ang isang tray ng mga talaba na nakapatong sa mga balde ng mga gumagalaw na isdang nakikiusap na ibalik na sila sa pinanggalingan nila. Nilapag niya ang tray sa tabi ng mababaw na kahoy na kahon na pinaglalagyan ng mga alimangong nakatali pa ang mga sipit.

“Ano bang problema mo? Sabi mo nga sa’kin noong isang araw, kapag pinatulan ako ni Kuya Justin eh okay lang sa’yo kasi yayaman tayo!”

Namumulang humarap si Aling Siony kay Jing-jing na naka-amba na ang kanang kamay, handa nang manampal. “Sige, pag hindi ka pa umalis, makikita mo kung gaano katigas itong panipit ko!”

Nagmamaktol na umalis si Jing-jing. “Alimango pala ah, batang yun!”

“Oh siya, Justin, anak, buhay pa ang mga ito, ilan ba ang kailangan mo?”

6:00 ng umaga.

Hinihingal na nakarating si Sinag sa bahay. Napakasarap talagang tumakbo tuwing umaga habang nilalanghap ang malamig na hanging kahalo pa ang hamog, sa isip niya, at kasing sarap rin nito ang maalat-alat pang amoy ng mga bagong dating na sariwang isda sa palengke. Dumiretso siya sa kusina at inilagay sa lababo ang plastik ng talaba na binili niya kanina. Malalaki ang mga ito. Sariwa at buhay pa tulad ng sabi ni Aling Siony. Mabilis niyang hinugasan ang mga ito sa umaagos na malamig na tubig, at inilipat ng lalagyan. Habang protektado ang kamay ng isang puting tuwalya, kumuha siya ng isa at mahigpit na hinawakan ito habang dahan-dahang binubuksan ang nakatikom na matigas nitong bibig gamit ang isang kutsilyo. Nabuksan niya ito ng kaunti, at nakitang gumalaw ang laman sa loob sa mahina niyang pag-ihip. Buhay pa nga.

Pinabayaan niyang muli ang mga talaba at nagsimula nang maghasa ng kutsilyo.

“Panoorin mong maigi ang tatay. Ganito ang tamang pag-hawak ng kutsilyo. Hahawakan mo yung hawakan gamit ang tatlong daliri mo, tapos, gamit ang hintuturo at hinlalaki mo, hahawakan mo naman yung likod ng talim para mas madali mong makontrol yung paghiwa. Kuha mo?”

Bumalik sa alaala ni Sinag ang matigas ngunit maingat na paghawak ng kanyang ama sa kanyang maliit na kamay  habang tinuturuan siya nito kung paano magluto. Siyam na taong gulang pa lamang siya noon.

“Pero tatay, ayokong matutong magluto. Gusto kong matutong gumamit ng espada.”

Natawa si Silab sa protesta ng anak. “Pero Sinag, paano ka matututong gumamit ng espada kung simpleng kutsilyo nga lang hindi mo kayang gamitin.” Lumuhod siya sa harap ni Sinag, hawak-hawak ang maliliit na balikat nito sa malalapad niyang kamay. “Hayaan mo anak, kapag kaya mo nang humawak ng kutsilyo, tuturuan naman kitang humawak ng espada.”

“Talaga? Pangako ba yan ‘tay?”

Hinawi ni Silab ang buhok ni Sinag. “Oo naman anak, pangako yan, peksman!”

Mahigpit ang hawak niya sa hawakan ng hasaan. Sa kanyang maliliit na kamay noon ay tila espada na rin itong wala nga lang talim sa dulo. Ngunit ngayon, malapad at malaki na rin ang mga kamay niya, at ang hasaan ay tila gadangkal na lang. Inipit niya ang hawakan gamit ang kanyang hinlalaki upang siguradong hindi ito gagalaw, at habang nakatalikod sa kanya ang talim ng hinahasa niyang kutsilyo, nagsimula na siyang galawin ito pabalik-balik, habang taas-baba rin ang talim ng kutsilyo, sinisiguradong nahahasa ang kahabaan nito.

“Eh bakit ba kailangang pabalik-balik tatay? Saka bakit diagonal, hindi patayo?”

“Kasi anak dapat mula dito sa may hawakan, hanggang sa dulo ng kutsilyo, matalim. Kapag hindi matalim ang kutsilyo, ikaw rin ang mahihirapan, kaya dapat lagi mong aalagaan yung kutsilyong ginagamit mo sa pagluluto. Hahasain mo siya bago mo gamitin, at pagkatapos.”

“Mahihirapan ako, kasi matigas na maghiwa, di’ba ganon yun tatay?”

“Tama anak. Sa espada ganon din. Dapat lagi mo siyang aalagaan para mas madali din siyang gamitin at mahaba ang buhay niya.”

“Buhay?”

“Oo, buhay ang mga espadang palaging ginagamit anak.”

“Eh paano kapag walang kalaban na pwedeng gamitan ng espada?”

Napangiti  si Silab. “Anak hindi lang sa pagpatay ng kalaban ginagamit ang espada. Masaya na rin siya kahit sa pag-eensayo mo lang siya gamitin. Basta maramdaman lang niyang palagi mo siyang naaalala, ganon.”

Pagkatapos maghasa ay inabot niyang muli ang puting tuwalyang gamit niya kanina at sinimulan na niyang buksan isa-isa ang mga talaba. Hinihiwa niya ang mga lamang nagdurugtong sa mga talukap nito upang hindi na sila magsarang muli. Nang matapos buksan isa-isa, kumuha siya ng salaan upang ihiwalay ang mga sariwang laman mula sa katas nito. Itinabi niya ang mga talukap nito, ang mga matitigas nitong kabibe. Nanginginig na ang takip ng kalapit niyang kaldero, palatandaan na kumukulo na ang tubig. Binuksan niya ito at hinango ang nangingintab at berdeng-berde na mga sariwang dahon ng saluyot na pinausukan niya ng ilang minuto gamit ang isang butas-butas na tray sa loob rin ng kaldero. Nang medyo lumamig-lamig na’y piniga niya ang mga dahon upang kunin ang katas nito.

“Eh ‘tay, bakit hindi mo na lang ako turuan kung paano mag-ensayo gamit ang espada? Kailangan ba talagang matuto munang magluto? Eh kung kailangan talaga na matuto akong gumamit ng kutsilyo, eh di kutsilyo na lang ang pag-aaralan ko tatay.”

Tumingala si Sinag sa nakangiti niyang ama. Habang nakatingin sa kanya’y kinakausap siya nito. Manghang-mangha siya na hindi ito nahihiwa, maski pa wala ang atensyon nito sa gamit nitong kutsilyo at mga hinihiwa nitong gulay. Napakabilis pa ng kanyang ama maghiwa. Nakakabilib para sa isang batang tulad niya. “Bago kita turuan na gumamit ng espada. Gusto ko ring turuan ka kung paano magluto.”, sabi nito. “Dalawang rason anak. Una, kasi kailangan mo ito sa buhay. Hindi laging nandito ang tatay para ipagluto ka. Balang araw, susundan ko na rin ang nanay mo sa langit. Malungkot na siguro yun mag-isa lang siya dun. Pangalawa, paano mo masisiguradong kalaban yung paggagamitan mo ng espada? Kailangan ay kilala mo talaga siya, kilalaning mong mabuti, na sigurado kang masamang tao talaga siya. Kasi kung hindi, babawiin sa’yo ng Diyos ang espadang ibinigay niya sa’yo kasi iresponsable ka. Ikaw ang magiging kalaban pagka ganon. Kapag ginamit mo yung espada sa isang taong hindi mo kilala.”

Inilagay ni Sinag ang mga dahon ng saluyot at katas nito sa isang blender. Nang maging sabaw na ito ay ininit niya ito kasama ng makapal na cream (mga kalahating tasa sa pagkakatantya niya mula sa pinaglagyan nitong karton) at konting asin. Matapos initin saglit ay inilagay niya ang berdeng krema sa mga kabibe na ihiniwalay niya kanina. Nakalagay na ang mga ito sa isang malaking plato. Binalikan naman niya ang katas ng talaba na nakuha niya mula sa laman at ininit ito sa hiwalay na lutuan. Nang medyo bumubula na ito, idinagdag niya dito ang mga malalambot na laman ng talaba, at ininit pa ng ilang minuto. Sinala niyang muli ang mga talaba, at maingat na ipinatong ang mga ito sa mga kabibe na may saluyot. Binalikan niyang muli ang kalderong ginamit niya para pausukan ang mga dahon ng saluyot kanina lamang, at tinanggal ang tray mula sa loob. Binuksan niyang muli ang apoy upang pakuluin muli ang tubig.

“Eh paano ko naman makikilala ng husto ang isang tao tatay. Ang kilala ko lang naman ng ganon, mga kaibigan ko na malabo namang paggamitan ko ng espada.”

“Yun nga anak, kaya kita tinuturuan magluto. Kung meron akong natutunan sa tagal ko nang pagluluto ay ito yun: Makikilala mo ang isang tao sa paraan niya ng pagkain. May mga taong mabibilis kumain, hindi marunong namnamin ang pagkaing ibiniyaya sa kanila ng Diyos. Ang mga taong ito ay mga taong kadalasang salat sa pagmamahal kaya palaging gutom na gutom. Masarap lagi ang luto ni tatay kasi ang luto ko palaging may pagmamahal, dahil mahal ko ang mga taong kakain. Mahal kita, at mahal ko ang sarili ko. Kaya hindi tayo nagmamadaling kumain dahil gusto nating namnamin ang bawat subo dahil masarap. Dahil may pagmamahal. Pero ang mga taong nagmamadali sa pagkain, hindi nila nalalasahan ang sarap sa pagkain nila dahil mabilis nga silang kumain. Dahil bata palang sila, wala nang pagmamahal ang mga pagkaing ipinakain sa kanila.”

“Eh baka kaya sila nagmamadali ‘tay kasi nga gutom sila. Kasi laging kulang yung pagkain nila. Kasi wala silang pambili ng masarap na pagkain.”

“Anak, hindi sa dami ng pagkain nasusukat ang kabusugan ng isang tao. Mas mabubusog ka kapag dahan-dahan ka lang kumain, maski pa kaunti lang ang pagkain sa plato mo. At anak, lahat ng pagkain, maski gaano kasimple, napapasarap ng lutong may pagmamahal.”

“Tapos, yung mga mabagal namang kumain?”

“Sila naman yung mga kadalasan lumaki sa pagmamahal. Dahan-dahan silang kumain dahil masarap ang pagkain nila, at gusto nilang lasahan talaga bawat subo kasi mahal din nila yung nagluto. Kuha mo ba anak?”

Tumango-tango lamang si Sinag maski hindi niya talaga gaanong naiintindihan ang sinasabi ng kanyang ama.

Habang hinihintay niyang kumulo ang tubig, kumuha siya ng isang maliit na haba ng butter at hinati sa gitna. Kinuha niya ang kalahati nito, nilagay sa isang bowl at hinaluan ng kaunting curry powder. Sunod ay kumuha siya ng dalawang itlog mula sa ref. Binuksan niya ang mga ito at ihiniwalay ang mga pula sa puti. Nagsimula nang kumulo muli ang tubig, kitang-kita mula sa mga bula na pumapaibabaw dito. Inabot niya ang isang malapad na stainless na bowl at ipinatong sa bibig ng kalderong may kumukulong tubig.

Sa bowl ay inilagay niya ang mga pula ng itlog at ibinati ang mga ito kasama ng kakaunting natitirang malapot na cream na sinimot lamang niya mula sa karton nito. Nagpatuloy siya sa pagbati hanggang sa uminit na ang bowl at ang cream at ang mga pula ng itlog ay maging isa, at maging isang magaan at malambot na crema na tila bula. Binalikan niya ang butter at curry, hinalo muli ang mga ito at idinagdag sa mainit na bowl. Hinalo pa niya ito sa ibabaw ng kumukulong tubig, hanggang mawala na ang pamumukol ng butter, at maging isang malagkit na ulap na lamang ito ng kasarapan.

“Eh tatay, ipagpalagay nating kilala ko na yung tao, at napatunayan kong talagang kaaway siya.”

“Hindi pa rin sapat anak. Hindi mo sasayangin ang paggamit ng espada sa mga basta-bastang tao lang. Kailangan importante yung tao.” Lumuhod muli si Silab sa harap ng anak niya at hinawakan ang mga kamay nito. “Maski itong mga kamay mo, kapag natuto ka nang magluto ng mag-isa, hindi mo na rin siya pwedeng gamitin sa pananakit.”

“Eh bakit?”

“Kasi anak, gagamitin mo na siya para magmahal. Ang pagluluto ay pagmamahal. Ang paggamit ng espada ay para lamang sa pagmamahal.”

Nanlaki ang mga mata ni Sinag nang makita ang kumukulong tubig na umaapaw. “Tatay! Umaapaw na ang niluluto niyo!”

Napangiti si Sinag sa alaala ng ama nang mapaso ito sa pagmamadaling paghango nito sa nilulutong pagkain. Nilapag na niya ang bowl sa ibabaw ng mesa at mabilis na inilubog ang dulo ng hinliliit sa crema na patuloy pa rin niyang hinahalo. Naglalakad siya habang isinusubo ang kanyang daliri. Sabi ko na nga ba. Inabot niya ang pandurog at bumalik sa bowl. Kulang ang sauce ko sa paminta.

Matapos taktakan ng bagong durog na paminta at kaunting asin, hinalo niya ito ulit at muling tinikman. Napasipol siya sa sarap.

Kinuha ni Silab ang lalagyan ng espadang nakasabit sa isang pako sa likod ng pintuan ng kwarto nilang mag-ama. Yari ito sa kamagong at ang dulo nito ay may dalawang nakaukit na lobo. Sa hawakan nito’y may tig-kalahating bituin na nakaukit.

“Nakikita mo yang mga kalahating bituin na yan anak? Ang ibig sabihin niyan, ay hindi mo pwedeng paghiwalayin ang dalawang espadang ito. Kapag magkasama, sila ay iisa, at ang pangalan ng espada natin ay Tala, kapangalan ng nanay mo.”

“Natin?!” Nahati ang mukha ng bata sa malaking ngiti ng bibig nitong abot sa magkabilang tenga.

“Oo anak, sa’yo na rin ito ngayon. Malapit na ang ika-sampung kaarawan mo diba? Pag sampung taong gulang ka na, sa’yo na rin si Tala.”

Niyakap si Silab ng kanyang anak na hanggang sa dibdib pa lamang niya ang tangkad. Nang bitawan siya nito’y humakbang siya ng limang hakbang papalayo sa pinakamalapit na dingding at pinatayo niya ang anak sa tabi niya.

“Gusto mo anak makakita ng surprise?”

“Opo naman!”

Isinuot niya sa likod ang lalagyan ng kanyang espada. Inikot pakanan ang nakaukit na lobo, at hinatak ito. Mula dito’y lumabas ang nangingintab na bakal na espada sa loob. Umaawit maski pa walang nakakasalubong na hangin. Umaawit sa pagmamalaki kung gaano ito katalim.

“Wooooow”. Nakangangang napatulala si Sinag sa espada ng kanyang ama na sa iilang araw na lamang ay kanya na rin.

“Basta tandaan mo anak, gagamitin mo lamang ito para sa pagmamahal.”

“Opo tatay.” Mabilis na sagot nito.

“Oh siya, siya, kumain na tayo.”

Itinabi na ni Silab ang espada niya at ibinalik sa pinagsasabitan nito sa loob ng kanilang kwarto. Umupo naman si Sinag sa hapag-kainan nila, habang hinihintay ang kanyang ama.

“Siya nga pala tatay, ano bang tawag dito sa niluto niyo?”

“Naisip ko lang anak, di’ba mahilig ka sa Chicken Curry? Baka lang kako magustuhan mo naman ito, Oyster Curry.”

Ibinuhos ni Sinag ang niluto niyang sauce sa malaking plato kung saan naghihintay ang mga talabang may saluyot. Dala-dala ang plato, lumabas siya sa hardin, tinatanaw ang malayong siyudad. Maingay niyang hinigop ang unang talaba, habang mahinang kinakausap ang sarili. “Happy twenty second birthday Sinag. Balang araw matututunan mo rin kung paano gagamitin si Tala para sa pagmamahal. Sa ngayon, makuntento ka na lang munang natutunan mo kung paano gumawa ng Oyster Curry.” Napangiti siya habang itinataas sa langit ang susunod na talabang hihigupin niya. “Kain tayo. Nasaan ka man ngayon ‘tay, alam kong hindi ka masaya na ginamit ko na ang mga kamay ko sa mga bagay na walang pagmamahal. Pero at least ‘tay, maipagmamalaki niyo naman ang Oyster Curry ko, dahil sa luto ko, maski hanggang ngayon, lasang-lasa pa rin ang pagmamahal niyo.”

“Nga pala Tatay, nabanggit niyo kanina, na tinuturuan niyo rin ako magluto kasi balang araw susundan niyo rin si Nanay sa langit. Wag muna ‘tay. Hayaan niyo si Nanay doon kung malungkot siya, kasi ako naman ang malulungkot kapag iniwanan niyo ‘ko.”

“Hay anak, wag mo ngang isipin yun. Ang alalahanin mo, yang sauce na tumutulo sa magkabilang dulo ng bibig mo!”

“Eh sa’yo rin ‘tay ganon!”

“Ganon ba anak?”

Sumabog sa pagtawa ang mag-ama. Walang kamalay-malay na sampung buwan na lamang silang magsasalo ng hapunan.

Unang Kabanata: Sinag

Kabanata I: Sinag

“Hindi mo ba ako kilala? Pagsisisihan mo ang ginagawa mo. You will pay for everything!”

Mukhang kagalang-galang ang lalake sa kanyang puti at bagong plantsang polo, itim na slacks, at makintab na itim na sapatos. Lahat rin ng mga palamuting nakakabit sa kanya’y nangingintab – ang kanyang gintong singsing, mamahaling relo, hanggang sa bakal ng pahang nakayakap sa mataba niyang bewang. Sayang nga lang at namantsahan na at narungisan ang mga ito ng pinaghalo-halong tatlong pirasong ngipin, dugo, laway, at luha na pilit niyang sinasalo ng mga kamay niya habang nakaluhod sa gilid ng kanyang itim na kotse.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin maintindihan ni David de Guzman (Dave sa kanyang mga pekeng kaibigan), kung bakit tumirik na lamang bigla sa gitna ng highway ang kanyang kotse samantalang full tank naman ito at kakasundo pa lamang niya nito sa kasa noong isang araw. Kung alam lang niyang mangyayari ito, eh di sana’y hindi na siya dumaan sa abandonadong lugar na ito. Napakalayo pa ng pinakamalapit na bahay kaya wala ring kwenta kung sumigaw man siya. Napakaimposible namang makatakas siya sa pamamagitan ng pagtakbo. Sa bigat ng katawan niya ngayo’y sigurado siyang wala pang isang kilometro ay mamamatay na siya sa hingal – yun ay kung hindi siya maabutan matapos ng ilang hakbang dahil sa bagal ng pagkilos niya. Isang himala rin kung may bigla na lamang dumating upang iligtas siya dahil sa dalang ng mga sasakyang napapadpad sa kalyeng ito na napapaligiran ng  malawak na bukirin ng damo na kasing tangkad na halos ng isang tao. Kaya nga rin siya laging dumadaan dito ay dahil rin doon. Walang trapik kaya mabilis ang biyahe papasok ng trabaho at pauwi ng bahay.

“Aba, at pa-Ingles-ingles ka pa!” sabay sipa sa kanya ng mas nakababatang lalakeng puro itim ang kasuotan, balot na balot, at maski mata’y mahirap makita. “Huwag kang mag-alala, kilalang-kilala kita, at marunong din akong mag-Ingles. Let’s see, David de Guzman, 41 years old, no wife and children, all friends are worthless fakes, hence even with all their power, they would never waste any effort, no matter how small, to find you.”

Patuloy sa pag-ubo ng dugo si David. Nanlalabo man ang kanyang paningin sa pagtitig sa maliit na lawang pula na unti-unting lumalawak sa sementong palitada ng highway ay malinaw pa rin ang pagkakarinig at pagkakaintindi niya sa sinasabi ng lalaking kaharap niya. Buong akala pa naman niya’y iginilid nito ang kanyang motor upang tulungan siya sa pagtirik ng kotse niya pero sa halip ay bigla na lamang siya nitong sinuntok sa mukha ng sunod-sunod hanggang sa mapaluhod na lamang siya at matanggalan na ng mga ngipin.

“Ano ba ang kailangan mo sa’kin? Pera?”

Napakakagat–labi na lamang ang mas nakababatang lalake. Yun na lamang ang nagawa niya upang pigilan ang sariling patayin agad si David. Nakakatawa talaga ang mga mayayaman mag-isip. Saktan mo lamang ng kaunti at ang una nilang iisipin ay pagnanakawan mo sila.

“Hindi pera ang kailangan ko. Sa katunayan ay may gusto lang sana akong ibalik sa’yo.”

Tumingala si David at napakurap ng ilang beses habang tinititigan ang kuwintas na hawak-hawak ng lalaking nakaitim. Simple lamang ito. May isang asul na batong nakatuhog sa itim na sinulid. Ibabalik ba kamo?

“Hindi sa’kin yan. Tingnan mo nga yang hawak mo. Mukha ba akong magsusuot ng bato at tansi? Nagpapatawa ka ba?”

Dahan-dahang lumuhod ang lalaki na nagpanginig sa mga kalamnan niya. Tinanggal ng lalaki ang helmet nito at ang gamit niyang tabing sa mukha, at dito nakita ni Dave ang mga mata nitong kulay abo na namumula sa pagluha. Kung sa galit man o gigil o lungkot o saya o purong kabaliwan lang ay hindi na niya malalaman. Ngunit isa lamang ang alam niya, nakita niya sa mga mata nito na alam ng lalaking hindi siya nagsisinungaling. Iyon, at ang kanyang kamatayan.

“Hindi sa’yo nararapat gamitin si Tala” ang sabi nito, sabay haplos sa kanyang mga pisngi gamit ng magkabila nitong kamay matapos ibulsa ang kuwintas. Mainit ang mga palad ng binata, malambing, malambot. Sa haplos nito ay nanumbalik sa kanya ang alaala niya ng kanyang ina habang ginagamot nito ang mga sugat niya na natamo sa pagkakadapa habang naglalaro noong limang taong gulang pa lamang siya.

Napapikit si David de Guzman sa panunumbalik ng malayong alaala na ito, ngunit bago pa man makarating sa ulirat niya ang panibagong matamis na alaala’y bigla na lamang nanlaki ang kanyang mga mata at nabali ang kanyang leeg. Bumagsak ang kanyang walang buhay na katawan sa abandonadong highway na saksi sa kanyang huling biyahe pauwi.

Sinalubong ang binata ng nakakakalma na tanawin ng nagniningning na siyudad sa gabi. Malawak ang kanyang bahay. Tahimik. Kumpleto sa gamit. Pagkapasok mo ay tanaw mo na agad ang dulo ng bahay. Dito ay isang malapad na salaming pinto patungo sa hardin na nakatanaw sa malayong kamundohan ng siyudad mula sa bundok na pinagtatayuan ng kanyang tahanan. Walang kurtinang nakatabing dito, kaya walang hadlang sa tanawin tuwing gabi, maging sa unang sikat ng araw tuwing umaga. Sa kaliwa ay ang malapad na kama, kulay abo ang kobre kama at kumot habang kulay dugo naman ang mga punda ng unan. Napakalinis ng pagkakaayos ng kama at pagkakatupi ng kumot, tila matagal nang walang natulog sa ibabaw nito. Dumiretso siya sa isang malaking kabinet sa may paanan ng kama, yari ito sa kamagong, mabigat at matibay. Pabilog ang hugis nito, bilog na tila nakatungtong sa dalawang kalso upang hindi gumulong. Dalawa ang pinto nito upang mabuksan sa gitna, gamit ang dalawang bakal na bilog na tila mga pulseras. Makinis ang kahoy, simple, walang ukit, at walang gasgas. Pagbukas niya’y hinawi niya ang mga nakasampay na damit. Kakaunti lamang ang mga ito, at karamiha’y kulay itim, puti, o abo lamang. Sa likod ng mga damit ay bumungad ang isang lagusan patungong banyo. Ngumiti siya sa sarili habang inaalala kung paano niya pinaghirapang baklasin ang pintuan ng banyo at ang likod ng kahoy na kabinet. Ibinato niya sa isang malaking basket sa ilalim ng lababo ang kanyang mga itim na guwantes, itim na jacket, itim na polo, itim na paha, itim na korduroy na pantalon, at itim na medyas.  Binuksan niya ang gripo. Malamig ang tubig. Hindi talaga niya matiis ang lagkit na dulot ng guwantes. Hinilod niya ng paulit-ulit ang mga kamay niya ng sabon. Napatingin siya sa salamin. Nagbubutil-butil pa rin ang pawis niya sa noo. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang mga patak ng mga nanunuyong dugo na nakapaligid sa mata niya. Anak ng – , natalsikan nanaman ako.

Dahan-dahan niyang inalis kung ano pang mga nakakabit sa kanya habang nakikipagtitigan sa abo niyang mga mata sa salamin, mga namumukod-tanging matang pamana sa kanya ng kanyang ina. Mga hikaw na may dragon. Gomang nagtatali sa buhok niyang halos kalahati na ng likod niya ang kayang takpan. Isang kulay abo na kalsunsilyo. Tumalikod siya sa may lababo upang harapin ang mas malaki pang salamin. Maigi niyang kinilatis ang buong katawan, tinitingnan kung may iba pa siyang talsik ng dugo sa balat niyang sunog ng araw. Lalaking-lalaki tingnan ang kanyang matigas, matikas, at bukol-bukol na dibdib, tiyan, mga braso, balikat, hita, at binti, na pinaghirapan mula sa ilang taong pagsasanay, kasabay ng mga kamay na nangapal na sa kalyo. Mula sa magkaharap na salamin ay naaaninag niya ang araw na permanenteng nakatinta sa may ibabang bahagi ng kanyang likod. May tila kaliskis ng ahas na nagdurugtong mula sa araw na ito patungo sa batok niya, paakyat pa sa ulo niya. Ang totoo’y hindi pa niya  ito nakikita ng buo, o kung nakita man niya’y hindi niya maalala ang hitsura. Nakalimutan na rin niya kung kelan ito iginuhit, tulad ng iba pang mga alaala na pinagsaluhan nila ng kanyang ama habang pinapalaki siya nito.

Suot lamang ang isang itim na shorts, tumayo siya sa gitnang bahagi ng tirahan niya, ang pinakamaluwang na bahagi nito, at inilapag ang dalawang eskrimang yari sa kamagong. Lumuhod siya patungo sa kanluran at yumuko upang halikan ang mga kahoy na espadang nasa sahig. Isang pagbibigay-pugay sa paglubog ng araw. Hawak-hawak ang dalawang espada ay kinumpleto niya ang labindalawang porma ng kali – isang sining ng pakikipaglaban – isang daang beses, o hanggang sa maramdaman niyang malinis ang mga nanunuot na dumi sa kanyang konsensyang hindi maabot-abot ng tubig at sabon, alinman ang mauna. Nagsimula siyang maingat sa mga pormang itinuro sa kanya ng kanyang ama, malalim ang paghinga, paisa-isa, mga ilang minuto ang pagitan, ngunit mabilis at sigurado ang bawat pagkumpas, hanggang sa pabilis ng pabilis at naririnig na ang pag-awit ng hangin sa tuwing mahahawi ito ng kanyang mga espada. Nang makumpleto niya ang mga porma’y pinakawalan na niya ang mga espada upang saluhin ang mga luha na kumakawala sa kanyang mga mata. Napaluhod siyang umiiyak. Humahagulgol. Ang kanyang gunita minumulto ni David de Guzman, Roger Sanchez, Stanley Madrigal, at ng iba pa niyang mga naging biktima nitong mga nakalipas na taon. Ilang buhay pa ba bago ko mahanap ang may-ari ng kwintas? Katulad ba ng pagpanaw ng aking mga magulang ang pagpanaw ng aking konsensya? Kulang pa ang kanyang pag-eensayo.

Muli siyang tumayo at ipinagpatuloy ang mabilis ngunit maingat na pagwasiwas ng kanyang espada sa hindi nakikitang kalaban. Hindi iniinda ang pananakit ng mga braso niya, balikat, at likod. Ngayon nama’y imbis na papabilis ang pagkumpas ng espada ay papabagal. Unti-unti nanamang dinaragdagan ang mga segundo, minuto, sa pagitan ng bawat pagkumpas. Gabi-gabi ay ginagawa niya ang ensayong ito. Binabakante niya ang kanyang isip habang kinokontrol ang paghinga na imbis na papabilis habang tumatagal ay lalong bumabagal at kumakalma. Dinadamay sa pagbagal nito ang pagtibok ng kanyang puso. Habang nakapikit ay iniisip niyang nasa isang kwarto siyang punong puno ng mga tao – ang mga taong kinitil niya ang buhay, ang mga taong nagbigay sa kanya ng buhay, at ang taong hindi pa niya nakikilala na sumira sa kanyang buhay. Tahimik lamang sila, nakatingin sa kanya. Ang tanging naririnig niya’y ang awit ng kanyang espada at ang kanyang malalim na paghinga. Sa bawat pagpapakawala ng hangin ay iniisip niyang isa-isang nawawala ang mga taong ito, nagiging anino, hanggang sa maging abo. Makalipas ng isang oras, ay naroon pa rin siya sa loob ng kwarto, ngunit ngayo’y napapaligiran na lamang ng mga maliliit na bundok ng abo. Malalaki na ang pagitan ng bawat pormang ginagawa niya gamit ang kanyang espada. Habang nararamdaman ang hangin sa kanyang mga pisngi mula sa pagwasiwas ng espada’y iniisip niyang isa-isa ring tinatangay ng hanging ito ang mga munting bundok ng abo hanggang sa malinis na ang paligid, at ang puting kwarto na lamang sa kanyang isipan ang natitira. Nakapikit pa rin sa pagninilay ay lumuhod siyang muli, ngayon ay nakaharap patungong silangan, pagbigay-pasasalamat naman sa bagong araw na paparating kinabukasan.

Umupo siya sa kanyang kama, inabot ang isa sa dalawang tuwalyang nakatupi sa ibabaw nito. Habang nanunulo at nanlalagkit, magaan niyang pinunasan ang mga kamagong na nabasa niya ng kanyang pawis. Sa dulo ng bawat isa’y may nakaukit na lobo, at sa ilalim ng mga lobo’y tig-kalahating bituin. Kapag pinagsama’y si Tala, kapangalan ng kanyang ina. Matapos punasan ang mga ito ay ikinumot naman niya yung isang tuwalya sa kanyang kama, naniniguradong hindi niya ito mababasa ng pawisan niyang likod habang nakahiga dito. Iniunat niya ang kanyang mga braso, habang nakalaylay naman ang mga hita niya sa dulo ng higaan. Tumunog pa ang kanyang balikat habang inaabot ang kanyang unan, at sa ilalim nito’y hinugot niya ang kwintas na may asul na bato. Napabuntong-hininga siya. Anuman ang kanyang mga inaalala kanina’y pansamantala na itong nahugasan ng pagod. Napakasarap talagang hintaying kusang matuyo ang pinaghirapan mong pawis, sa isip niya. Napakasarap talagang hingalin, tila paulit-ulit kang pinaaalalahanan na buhay ka pa.

Nang komportable na siya’y tumayo siya sa pagkakahiga’t pinagmasdan ang makinis na kahoy na sahig na tila may hinahanap. Mula dito ay natagpuan na niya – ang nag-iisang tablang may nakaukit na bituin. Inangat niya ang tablang ito at sa loob ay may kulay pulang velvet na tela, isang sikretong kahon na ang mga espada lamang niya at ang kwintas ang kasya. Tila isang kabaong na nagkukubli sa katotohanang nasa likod ng tunay niyang pagkatao. Sinigurado muna niyang maayos na naibalik ang tabla, nakatago sa isang puting karpet, bago siya bumalik sa pwesto niya kanina, ngunit ngayo’y nakakumot na sa kanya ang tuwalya. Pumikit siya, nag-alay ng munting dasal sa Diyos ng Pakikipaglaban. Matapos ay tumayo at naglaho sa loob ng kanyang kabinet.

Tulad ng tubig sa gripo, nagulat siya sa pagdaloy ng malamig na tubig na galing sa shower. Nanigas ang kanyang mga panga sa paghihintay ng kanyang katawan na masanay ito sa ginaw, at nanlabo naman ang mga salamin sa pagsingaw ng init na tila nag-uugat sa kanyang mga ugat mismo. Patuloy lang niyang pinadaloy ang tubig sa kanyang katawan, pinagdarasal na sana’y kasabay ng tubig ay makalimutan na niya ang mga mata ni David de Guzman, nakatingin sa kawalan, ngunit sa bawat pagkurap nanunumbalik ang mga ito, nagmumulto. Wala sa sarili’y kinamot niya ang nakatintang araw sa likod niya. Isang simbolo ng liwanag , tulad ng pangalang ibininyag sa kanya ng kanyang ina, dalawampu’t dalawang taon nang nakakalipas. Sinag.